ISANG TAGA-DFA ang mabilis na sumagot sa aking nakaraang kolum at ipinahayag ang kanyang ‘di pagsang-ayon sa panukala ko na magtayo ng Department of OFW. Kaya ko naman naimungkahi iyon ay para matipon sa iisang departamento na lang ang lahat ng mga opisina at ahensiyang may kinalaman sa suliranin ng OFW.
Tutol sa ideyang ito ang sumulat sa atin. Aniya, kapag nagtayo tayo ng isang Department of OFW, parang inamin natin na tayo ay isang bansa ng mga nag-aabroad para magtrabaho roon. Para raw inamin natin na palaasa tayo sa mga remittance ng OFW. At ang mga konsulada at embahada natin sa ibang bansa ay baka walang gawin kundi mag-asikaso ng mga problema ng OFW. Ang ibinigay niyang halimbawa ay ang pagkakilala sa atin sa Inglatera bilang DH at sa Japan bilang japayuki.
Naiintindihan ko ang kanyang opinyon hinggil sa bagay na ito. Pero hindi ako sang-ayon sa kanyang mga palagay.
Una, mahirap nang itago na tayo ay bansang nagpapadala ng mga OFW. Sa buong mundo ngayon, pangalawa lang tayo sa Mexico sa mga bansang pinakamalaki ang ine-export na manggagawa sa ibang bansa.
Pangalawa, sa buong mundo, pumapa-ngalawa lang tayo sa India sa mga bansang pinakamalaki ang tinatanggap na remittance mula sa ibang bansa.
Pangatlo, hindi naman tayo isang superpower at ang mga embahada natin ay walang ibang pinagkakaabalahan kundi ang humarap sa mga problema ng OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Pangatawanan na lang natin ito at gawin nating haligi ng foreign policy ang proteksyon at pangangalaga sa ating mga OFW.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo