MABUTI SANA kung gaya ng lang ng titulo ng artikulo na ito na nakabubulol, pero hindi nakabubulol ang isyu ng laglag-bala. Hindi talaga, kasi nakapagpapagulo ito ng buhay ng lahat. May mga sinira itong pangarap, may sinira itong kasabikan, may sinira itong kasiyahan. Sa madaling salita, may sinira itong buhay. Hindi na lingid sa ating kaalaman ang nasabing isyu: ang pagtatanim ng bala ng hinihinalang sindikato sa mga bagahe ng inosenteng pasahero na may iba’t ibang layunin sa pagbibiyahe. Ang iba para makasama ang minamahal sa buhay, ang iba para makapagbigay ng magandang buhay sa pamilya sa pagiging OFW, ang iba para ma-enjoy ang bakasyon. Pero nang dahil sa kay liit-liit na bala, maitatapon ang lahat ng ito. Kaya ang katanungan, bakit? Bakit kailangan mangyari ang lahat ng ito?
Habang nasa kamay ng mga awtoridad ang paghanap ng kasagutan sa kung bakit nangyayari ito, alamin na lang natin kung paano ito maiiwasan. Lalo na ngayon, kay raming paparating na holiday at bakasyon, ito ay magandang oportunidad para bumiyahe sa magagandang lugar sa bansa at maging sa ibang bansa.
Una, oo hassle man, pero kinakailangang talaga. Sabi nga sa kasabihan, better be safe than sorry. Sabi rin nga ng mga doktor, prevention is better than cure. Mga tatlong araw bago ang inyong lipad, ayusin na ang mga gamit na dadalhin. Bumili ng matitibay na padlock at siyempre ang usong-uso ngayon, ang mga cling wrap at stretch film plastic na mabibili sa mga malls. Ito ay para ma-secure ang bagahe sa mga bala na kanilang pilit na ilalagay sa bags.
Pangalawa, kung pinaghinalaan man kayo na may bala ang bagahe n’yo, huwag mag-panic, mga ate at kuya! Sabi sa mga blogs ng kamuntikan nang maging biktima ng laglag-bala, strategy nila ito para kapag ikaw ay nagsimula nang magwala, mawawalan ka ng atensyon sa bagahe mo, at doon nila ilalagay ang bala. Kung alam mo namang walang bala ang bagahe mo, deny ka lang nang deny!
Pangatlo, huwag bubuksan ang iyong bag hangga’t walang third party witness o walang presensya ng abogado. Kailangan ding naroon ang airport supervisor at security personnel.
Pang-apat, kung sakaling nagtagumpay nga sila sa pagtanim ng bala, magtawag kayo ng abogado at ipaalam din sa iyong mga kamag-anak ang inyong sitwasyon.
Panglima, kung makitaan ng bala, huwag na huwag itong hawakan para ligtas sa finger print test. Kung ikaw ay isasailalim sa finger print test, kinakailangang ito ay gagawin sa presenya ng mga abogado at police officials.
Pang-anim, ipagbigay alam ang iyong kalagayan sa Public Attorney’s Office o PAO. I-take note ang kanilang hotlines: 929-9436; 029-299-436.
Ayan mga bagets, maging alerto sa iyong pagbiyahe. Tulisan ang paningin sa paligid. At huwag pangunahan ng kaba at takot. Kung wala ka namang ginagawang masama, absuwelto ka sa isyung ito. Kaya, mga bagets, ingat at magdasal!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo