NASUBUKAN N’YO na ba ang gumamit ng Christmas lane? Nakarating ba kayo sa pupuntahan n’yo? Kung natunton n’yo ang pakay ninyong lugar ay masasabi kong magaling kayo sa daan. Bilib ako at sumasang-ayon ako talaga na magaling sa daan ang makagagamit ng Christmas lane na ‘yan! Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ay sa December 13 pa ang opisyal na pagpapagamit ng Christmas lane, ngunit ngayon pa lamang ay marami na ang sumusubok nito.
Kaya ganyan ang pagtingin ko sa programang ito ng MMDA dahil sadyang napakahirap maintindihan ang Christmas lane na makikita ninyong nakapaskil sa kung saan-saang kalye rito sa Kamaynilaan.
Ang unang kalituhan ay ang tunay na pakay at kahulugan ng Christmas lane. Ang Christmas lane ay isang uri raw ng pagluluwag sa panghuhuli o hindi maghihigpit ang MMDA sa mga batas-trapiko. Ito ang isang ikinalilito ng mga tao. May ilang mga mamamayan natin na ganito ang narinig kong pagkaunawa nila sa katagang Christmas lane.
Ang ibig sabihin ay hindi epektibong naipaliwanag sa publiko ang gamit nito. Sayang ang pondong ginastos sa proyektong ito ng MMDA kung hindi mapakikinabangan dahil hindi magagamit ng mga tao dulot ng kalituhan sa kahulugan.
Dapat ay gumawa ng TV advertisement ang gobyerno para rito upang higit na narating ang kaalaman ng mas maraming tao. Kulang na kulang ang tinatawag na information dissemination para maipaliwanag ang gamit ng Christmas lane.
ANG PANGALAWANG kalituhan ay ang tila mala-kabuteng pagsulpot ng mga karatulang ang nakalagay ay Christmas lane. Marami ang mga karatula ng Christmas lane na hindi halos mapansin dahil nakatago ito sa puno o ‘di kaya ay natatakpan ng isang bagay.
Makikita mo lang daw ang karatulang Christmas lane kung ito’y nasa harap mo dahil natakpan ito ng dahon ng puno at hindi ito mapapansin sa malayo. Ganoon din naman ang ibang karatulang natatakpan ng mga bagay o istraktura na nagiging dahilan upang hindi ito mapansin ng mga driver.
Ang ibang karatula ng Christmas lane naman ay masyadong malapit na sa dapat lilikuan para masundan ang daan. Dulot nito ay hindi nakapaghahanda ang mga driver sa mga likuan ng Christmas lane. Kaya naman madalas ay nalalagpasan lang ito ng mga driver. Dapat ay may mga dalawa hanggang tatlong karatulang nagbibigay ng mas maagang paalala sa mga driver na malapit na silang lumiko.
Ang masama pa nito ay kapag pinilit habulin ng driver ang kanyang lilikuan na kalye ay mahuhuli pa ito ng mga mala-buwayang traffic enforcer ng MMDA at saka huhuthutan ng pang-Pamaskong lagay. Magiging isang bitag pa ito ng mga kawatang traffic enforcer para sa kanilang sideline kapag nagkataon.
ANG PROBLEMA sa mga Christmas lane ay ang hindi pagkakaroon ng strategic places para ipaskil ang mga karatulang ito bukod pa sa nabanggit kong kakulangan din sa information dissemination. Ang ibig sabihin ay mukhang kulang sa pag-aaral ang proyektong ito.
Maganda ang ideya at layunin ng Christmas lane ngunit may kakulangan ito sa pagpaplano. Ang Christmas lane ay itinalaga para makalikha ng alternatibong daraanan ngayong Kapaskuhan para makaiwas ang mga driver sa masikip na daloy ng traffic sa EDSA at iba pang pangunahing kalsada rito sa Metro Manila.
Hindi rin layunin ng Christmas lane na mapabilis ang biyahe gaya ng iniisip ng maraming tao. Ang Christmas lane ay ginawa para hindi maipon ang lahat ng sasakyan sa iilang kalsada dala ng tinatawag na “Christmas rush”.
Minsan ang mabuting layunin ay nakapagdudulot din ng problema kapag hindi ito pinag-aralan nang maigi at ginawa ng may kritikal na pagpapatupad.
Shooting Range
Raffy Tulfo