Dear Atty. Acosta,
NAIS KO PONG magtanong hinggil sana sa ang aming lupa na nakapangalan sa aming ina at ama na napunta sa kapatid ko sa ina. Hawak po namin ang orihinal na Tax Declaration noong 1962 at ipinagawan ng titulo noong 1992 at pinalabas na sole property iyon ng aking kapatid. Paano kaya namin mababawi ang aming lupa? Thank you. – Bernard
Dear Bernard,
BAGO NATIN SAGUTIN ang iyong katanungan, mai-nam na mapag-aralan nating mabuti ang iyong salaysay. Ayon sa iyo, ang inyong lupa ay nakapangalan sa inyong ama at ina at hawak ninyo ang orihinal na Tax Declaration noong 1962. Napatituluhan ng iyong kapatid sa ina ang nasabing lupa at pinalabas niya na kanya lamang ito. Hindi mo nabanggit sa iyong salaysay kung papaanong nailipat ng iyong kapatid sa kanyang pangalan ang titulo ng lupa. Nakaligtaan mo ring banggitin kung papaano ka nagkaroon ng kapatid sa ina. Gayunpaman, hindi natin maipagkakaila na ikaw ay nararapat na may parte sa lupa sa pagkakataong ang iyong mga magulang ay pumanaw, dahil ayon sa iyo ang lupa ay pag-aari ng iyong ama at ina. Dahil dito, maaari nating ipagpalagay na ang lupa ay nailipat ng iyong kapatid sa ina sa kanyang pangalan sa pamamagitan ng panlilinlang o fraud sapagkat nagawa niyang ilipat ito sa pangalan lamang niya at hindi ka kasama.
Kaugnay nito, dapat mong malaman na ang pagpaparehistro ng lupa ng iyong kapatid sa kanyang pangalan lamang ay nagbunga ng isang implied or constructive trust at ang iyong nasabing kapatid ay itinalaga ng batas bilang trustee o katiwala mo sa bahagi ng lupa na dapat ay para sa iyo bilang mana mo sa iyong magulang. Ito ay naaayon sa Artikulo 1456 ng New Civil Code na nagsasaad na:
“Art. 1456. If property is acquired through mistakes or fraud, the person obtaining it is, by force of law, considered a trustee of an implied trust for the benefit of the person from whom the property comes.”
Dahil may nabuong implied or constructive trust sa pagitan ninyo ng iyong kapatid sa ina, ikaw ay may karapatan na mabawi o makuha sa iyong kapatid ang lupang nararapat ay para sa iyo sa pamamagitan ng pagsampa ng kasong Action for Reconveyance. Ang nasabing kaso ay dapat na maisampa sa loob ng ‘di hihigit sa sampung (10) taon mula sa petsa na mailabas ang titulo o certificate of title ng lupa. Ikinalulungkot naming ipabatid sa iyo na hindi ka na maaaring magsampa ng nasabing kaso sapagkat ayon sa iyo, ang lupa ng iyong ama at ina ay napatituluhan ng iyong kapatid noong 1992 pa. Ibig sabihin nito ay halos labing-pitong (17) taon na ang nakararaan mula nang mailabas ang titulo ng nasabing lupa. Lumipas na ang takdang panahon upang makapagsampa ka ng kaso laban sa iyong kapatid upang mabawi mo ang iyong lupa.
Kung ang pagsasalin ng titulo ay base naman sa isang fictitious deed of sale, maaari kayong mag-file ng petition for annulment of sale with reconveyance of property and cancellation of title. Magsadya ka sa pinakamalapit na distrito ng Public Attorney’s Office (PAO) upang maipakita mo ang mga dokumento kaugnay ng inyong problema at mabigyan kayo ng karampatang payong legal.
Atorni First
By Atorni Acosta