Nakapag-asawa ng Dayuhan, Gustong Magnegosyo sa ‘Pinas

Dear Atty. Acosta,

NAGTRABAHO AKO sa Saudi Arabia nang limang taon at sa kabutihang-palad ay nakapangasawa ako roon ng isang Arabiano at kami ngayon ay nagsasama na sa Pampanga. Nais na naming

manatili rito sa Pilipinas kung kaya’t naisipan naming magtayo ng maliit na negosyo ng kainan. Subalit kailangan naming manghiram ng kapital sa isang bangko at hinihingian kami ng I-card. Ano po ba iyon at paano kami magkakaroon ng ganoon? Umaasa ako na mababasa ko ang inyong tugon. – Graciella

 

Dear Graciella,

KARANIWANG HINIHINGI mula sa mga aplikante ng bangko na magbubukas ng kanilang account o manghihiram ng kinakailangan na kapital sa pamamagitan ng paglo-loan ng isa o higit pa na katibayan ng kanilang pagkakakilanlan o proof of identification. Sa sitwasyon ng mga banyaga na narito sa Pilipinas, ang kadalasang hinihingi sa kanila ay ang kanilang balidong pasaporte at ang kanilang Alien Certificate of Registration Identity Card (ACR I-card). Ang ACR I-card ay maaaring makuha sa Alien Registration Division ng Bureau of Immigration. Ito ay ginagamit para sa pagkakakilanlan ng mga banyaga na kasalukuyang nasa ating bansa at bilang pagrehistro na rin sa kanilang pananatili rito.

Nais naming bigyang-diin na ang mga banyaga lamang ang maaaring bigyan nito. Ang mga Pilipino na ka-tulad mo ay hindi na kailangang pagkalooban nito. Maliban dito, ang banyaga na kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas na mayroong balidong visa ay kailangang mayroon nang hawak ng nasabing ACR I-card. Samakatuwid, kung ang iyong asawa ay mayroong residence, working o student visa ay kailangan na siya ay binigyan na rin ng nabanggit na I-card. Kung wala pa siya nito ay maaari siyang kumuha nito sa pamamagitan ng pagsusumite ng application form ng iyong asawa na kanyang kumpletong sinagutan, kalakip ang kopya ng kanyang pasaporte at ng kautusan ng Board of Commissioners na binibigyan siya ng kanyang visa.

Sa kabilang banda, kung ang kanyang pananatili sa Pilipinas ay dahil lamang sa siya ay napagkalooban ng tourist visa, maaaring hindi siya bigyan nito kung ang kanyang pananatili rito ay hindi pa humihigit sa limampu’t siyam na araw. Subalit, kung siya ay naninirahan na sa ating bansa ng mahigit sa limampu’t siyam na araw ay kailangan na niyang kumuha ng ACR I-card. Ito ay alinsunod sa Memorandum Order No. MCL-09-024. Batay sa nasabing kautusan, “The following categories of foreigners are hereby included under the coverage of those to be issued an Alien Certificate of Registration Identity Card (ACR I-CARD): (1) Non-restricted foreign national previously granted a total authorized stay of fifty-nine (59) days as temporary visitors under Section 9 (a) of Commonwealth Act No. 613, otherwise known as the Philippine Immigration Act of 1940, as amended; x x x”

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanu-ngan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV. 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleFather Duffy, SJ
Next articleMga Inutil na Embahada

No posts to display