Nakarere-“late” na re-“late”

FILIPINO TIME ba kamo? Alam na alam ng mga Pinoy ‘yan lalo na ng mga bagets. Ito na siguro ang ugali na mayroon ang bawat isa sa atin na alam na nga nating hindi maganda, atin pa ring nagagawa kasi nakasanayan na.

Pagdating sa usapang oras, ang bawat isa sa atin ay nagiging sensitibo. ‘Yung tipo bang may napagkasunduang oras naman, late pa rin. Bakit nga ba nangyayari ‘to? Sabihin na lang natin na may dalawang partido na nagkasundo na magkita nang 10:00 am, pupusta ako, ang mangyayari riyan ay may male-late pa rin o kaya pareho silang late dahil ina-assume na ng bawat kampo na male-late ang kabilang kampo. Filipino habit nga, ‘di ba?

Usung-uso sa mga kabataan ang mga usapang “saan ka na?” Sasagot ng “malapit na.” Mayroon ding magsasabi ng “papunta na ako” pero ang totoo, maliligo pa lang siya. O kaya “on the way na ako” pero ang totoo talaga ay papunta pa lang siya. Hay, naku… mga bagets talaga! Ayaw pang aminin, halatang-halata naman na late lang talaga kaya hindi makasagot nang tuwid o nang maayos. Kaya kapag mga ganyang sagot ang maririnig n’yo, tinatanong pa ba ‘yan? Isa lang ang kasagutan diyan. Huwag kang aasa na darating siya sa pinag-usapang oras dahil late siya. Ganyan kasimple.

Anu-ano nga ba ang mga gawain na tanging mga late lang ang makarere-“late”?

1. Kapag nag-a-alarm sa cellphone, limang oras ang naka-set upang mag-snooze. Isang 5:00 am, 5:30 am, 5:45 am, 6:00 am at may pahabol pang 6:05 am. Pero tignan mo nga naman, limang oras na nga ang nag-a-alarm, 6:30 am pa rin magigising.

2. Hindi na nakakakain ng almusal dahil wala na ngang oras para kumain. Sa kababaihan, sa daan na sila nagsusuklay. Kung minsan pa nga, puwedeng-puwede pang pigain ang buhok nila sa basa. Paano ba naman, pagkaligo, bihis agad at diretso alis. Sa biyahe na rin sila nagme-make up.

3. Kapag papasok sa classroom, kailangan laging palabasin ang ninja moves. Dito nakikita ang kanilang kakayahan sa pagpasok sa klase hanggang sa pag-upo sa arm chair nang hindi mapapansin ng guro. Sa mga event gaya ng seminar, ‘yung mga taong late ay ‘yung mga taong nakatayo sa likod o kaya nakaupo na lang sa bench sa gilid.

4. Lagi kang mapagbibintangan na late kung ang suot mong damit ay gusut-gusot pa, hingal na hingal ka at para bang pagod na pagod. Sa madaling salita, kung hindi gaanong kaaya-aya ang iyong itsura, isa lang ‘yan. Late ka kaya wala ka nang oras para mag-ayos pa.

Mga bagets, hindi ko itatanggi na ang Filipino habit ay isa nang nakasanayan ng bawat isa sa atin. Pero hindi ibig sabihin nito, wala na tayong gagawin para mabago ito. Kailangang sanayin ang ating sarili na maging maagap sa lahat ng gagawin at maging mabilis sa pagkilos dahil napakahalaga ng oras. Sa bawat segundo na iyong pinalalagpas, katumbas din nito ay magandang oportunidad na nasasayang.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articleJoseph Marco & Yen Santos: Oh, The Sweetest Thing!
Next articleGustong Itigil ang Sustento sa Mag-iina

No posts to display