MAS TUMITINDI ang panawagan ngayon sa pagbibitiw ni PNoy lalo na ang mga makakaliwa dahil sa pagkakadawit ng U.S. military intelligence sa Mamasapano incident. Ang mga flying drones na nadiskubre dahil sa pagbagsak nito sa paligid ng Mamasapano ang itinuturong ebidensiya sa panghihimasok ng mga Amerikano sa isang opisyal na misyon ng gobyerno.
Sari-sari ang mga opinyon hinggil dito. Mayroong nagsasabing walang masama sa pagtulong na ito ng Amerika. At ito mismo ang isa sa mga usapang napapaloob sa balikatan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. Ganito rin gustong tingnan ng administrasyong Aquino ang usaping ito. Walang masama sa ginagawang pagtulong ng U.S. sa ating kakayahang militar at matagal na itong nagaganap, kaya naman wala nang bago rito.
Wala nga bang naidudulot na kapahamakan sa Pilipinas ang pakikialam ni Uncle Sam sa atin? Gaano na ba katagal ang pagkakaibigan natin sa Amerika at saan na tayo dinala ng pakikipagkaibigan natin sa kanila? Ang mga tanong na ito ay ilan lamang sa maraming tanong na kailangang mabigyan na tugon para mas maunawaan natin kung saan tayo ngayon nakatayo bilang isang bansa at malayang estado. Usisain natin ang ating kasaysayan para mas maging malinaw ang lahat sa atin.
SA ISANG bahagi ng kuwento sa buhay ni Jose Rizal ay nabigyan ng pagturing ang Amerika bilang isang lumalakas na mananakop na bansa sa mata ng ating pambansang bayani. Noong binisita ni Don Pio Valenzuela si Rizal sa pagkakapatapon sa bayani sa Dapitan ay kagyat na inalok si Rizal ng tulong para patakasin siya sa lugar at maging tagapamuno ng noo’y nagsisimula pa lamang na Katipunan. Tumanggi si Rizal sa alok na ito dahil naniniwala si Rizal na hindi pa kaya ng Katipunan na mapagwagian ang laban nito sa mga Kastila.
Humingi na lamang ng payo si Valenzuela kay Rizal para sa Katipunan. Dalawang bagay ang ibinilin ng bayani, una ang bumili ng mga armas sa bansang Hapon, at pangalawa ay makipag-alyansa sa bansang Hapon para sa minimithing kalayaan para sa Pilipinas. Binigyang-diin ni Rizal sa usapang ito na mag-ingat sila dahil madali rin lang tayong sakupin ng bansang Amerika kung hihiwalay ang Pilipinas sa Espanya. Hindi rin hinikayat ni Rizal na makipag-alyansa ang Pilipinas sa Amerika dahil hindi siya bilib sa bansang ito dahil sa umiiral na pang-aalipin at pag-aalipusta ng mga puti sa mga negro.
Nang mamatay si Rizal at Bonifacio, sa kalauna’y nakipagsanib si Heneral Emilio Aguinaldo sa mga Amerikano sa pag-asang matutulungan tayo ng Amerika na magkamit ng ating minimithing tunay na kalayaan. Ngunit nabigo ang pag-aasam na ito sa kalayaan dahil gaya na rin ng kutob ni Rizal, sinakop din tayo ng Amerika bilang ikalawang nagkolonisa sa atin sa ilalim ng isang bagong makapangyarihan gobyernong Amerikano.
AMERIKANO RIN ang nagdala sa ating bansa sa ikalawang digmaang pandaigdig. Dahil sa ilalim ng gobyernong Commonwealth, ang Pilipinas ay naging kaaway na rin ng bansang Hapon kaya sabay na nilusob at binomba ng mga sundalong Hapon ang Pearl Harbor at Manila, Clark airbase, iba pang kampo ng mga Amerikanong sundalo sa Pilipinas. Nawasak ang Maynila dahil sa digmaang ito. Marami ang namatay, ginahasa, at nawalan ng kabuhayan. Nakalulungkot isipin na ang lahat ng ito ay naganap dahil sa pagkakaroon natin ng ugnayan sa mga Amerikano.
Nabigyan man tayo ng kasarinlan noong July 5, 1946 at nahalal si Manuel Roxas bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, nanatili pa rin ang mga Amerikano sa bansa natin at ang mga base militar nila. Makaraan ang marami pang taon, natapos ang kasunduan sa base militar at tuluyang umalis ang mga base militar dahil sa pagsabog ng Mt. Pinatubo, napalitan naman ang ugnayang ito at naituloy sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement at balikatan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Ngayon ay patuloy pa rin tayong umaasa sa tulong na ibibigay ng U.S. sa nagaganap na tensyon sa mga islang pinagtatalunan sa West Philippine Sea o South China Sea. Itatanong pa ba natin sa sarili natin kung nakikialam ba ang Amerika at dapat bang makialam ito sa ating bansa? Hindi kailan man nawala ang U.S. sa pakikialam sa ugnayang pambansa natin at ito ang malungkot na katotohanan. Tila isang panaginip pa rin kung tutuusin ang pinaniniwalaan nating kasarinlan bilang isang estado.
SA HARAP ng mga problema natin ngayon ay maaari nating pag-isipan kung saan ba tayo tutungo sa hinaharap. Ang pagkakaroon natin ng ugnayan sa Amerika ay isang reyalidad na hindi natin matatakasan. Isang pagsasayang lamang ng panahon kung guguluhin pa natin ang ating isip sa isang katotohanang hindi na natin maitatanggi. Umasa na lamang tayo na may mas magandang maidudulot sa ating bansa ngayon ang ugnayan natin sa U.S. kaysa sa pighating dulot ng ikalawang digmaan sa atin bansa noon.
Ang panganib na banta ng pag-aastang hari ng bansang China ay hindi natin puwedeng balewalain. Ang tanong ay kung tutugon nga ba ang U.S. sa oras na higit nating kailanganin ang kanilang tulong? Minsan na tayong iniwan ni Mc Arthur at binalikan… mauulit kaya ito?
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo