Nakipaghiwalay sa Asawa, Problemado sa Passport

Dear Atty Acosta,

 

MAGANDANG ARAW po sa inyo. Meron po akong ilang katanungan at sana po ay matulungan ninyo ako. Ikinasal po ako noong June 2003 at 2004 po ay kumuha po ako ng passport at gamit ko ‘yong apelyido ng mister ko. 2006 po ay nakipaghiwalay ako at sa ngayon ay may kanya-kanya na kaming pamilya. April 2009 po nag-expired ‘yong passport ko. Ang itatanong ko lang po sana ay ano po ba ang gagawin ko para ma-annul po ‘yong kasal ko? Wala po akong pera. Maaari rin po ba akong kumuha ulit ng new passport? ‘Di po ba malalaman ng DFA na may dati na po akong record? ‘Di po kami kasal ngayon ng kinakasama ko at ‘yong ex-husband ko po ay ikinasal na last 2007 sa Pasig.

 

Jess

 

Dear Jessie,

 

AMING NAPANSIN na wala kayong nabanggit na dahilan na maaaring gawing basehan upang kayo o ang inyong asawa ay makapagsampa ng kaukulang petisyon upang ipadeklarang walang bisa o ipawalang-bisa ang inyong kasal. Ating dapat tandaan na ang kasal ay isang sagradong institusyon na hindi maaaring maputol nang ganu’n-ganun na lamang. May iilan lamang basehan na maaaring gamitin upang makapaghain ng mga ganitong petisyon at ang mga ito ay nakasaad sa batas. (Arts. 35, 36, 37, 38, 45 at 53, Family Code of the Philippines)

Dagdag pa rito, ang pisikal na paghihiwalay ng mag-asawa, kahit gaano pa man ito katagal ay hindi nagreresulta sa pagkawala ng bisa ng isang kasal. Gayon din naman ang muling pagpapakasal o pakikipag-relasyon sa ibang tao. Kaya’t kung nais talaga ninyong maputol ang inyong legal na ugnayan sa inyong asawa, kinakailangan ninyong kumunsulta sa isang abogado na makatutulong sa inyong alamin kung anong basehan ang maaari ninyong gamitin upang makapagsampa ng kaukulang petisyon sa hukuman.

Ukol naman sa inyong katanungan tungkol sa inyong pasaporte, malinaw sa batas na ang isang babaeng may asawa at dati nang nagawaran ng pasaporte kung saan ang gamit niyang apelyido ay ang sa kanyang asawa ay hindi maaaring gamitin ang kanyang pangalan sa pagkadalaga, maliban na lamang kung (1) namatay na ang kanyang asawa (2) nakakuha ng divorce (3) napawalang-bisa ang kasal o (4) napadeklarang walang bisa ang kasal. (Section 5d, Republic Act No. 8239)

Samakatuwid, hindi ninyo maaaring gamitin sa pagkuha ng inyong bagong pasaporte ang inyong pangalan sa pagkadalaga kung nauna na ninyong nagamit dito ang apelyido ng inyong asawa. Kinakailangan ninyo munang ipawalang-bisa o ipadeklarang walang bisa ang inyong kasal bago ninyo magamit sa inyong pasaporte ang inyong pangalan noong kayo ay dalaga pa.

Kaugnay nito, pinapaalala ng Korte Suprema sa kasong Remo vs. The Hon. Secretary of Foreign Affairs (G.R. No. 169202, March 5, 2010) ang sumusunod:

“The acquisition of a Philippine passport is a privilege. The law recognizes the passport applicant’s constitutional right to travel. However, the State is also mandated to protect and maintain the integrity and credibility of the passport and travel documents proceeding from it as a Philippine passport remains at all times the property of the Government. The holder is merely a possessor of the passport as long as it is valid and the same may not be surrendered to any person or entity other than the government or its representative.

As the OSG correctly pointed out:

[T]he issuance of passports is impressed with public interest. A passport is an official document of identity and nationality issued to a person intending to travel or sojourn in foreign countries. It is issued by the Philippine government to its citizens requesting other governments to allow its holder to pass safely and freely, and in case of need, to give him/her aid and protection. x x x” (citations omitted)

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleStarbucks ‘yan, eh!
Next articleCollateral Damage

No posts to display