MAG-IISANG TAON na si Alfredo Salmos sa kanyang kalunus-lunos na kalagayan. Noo’y nagtatrabaho siya sa isang planta sa Jeddah nang makuryente siya. Nawalan siya ng malay at halos isang buwan siyang na-comatose. Hindi siya agad nakalabas ng ospital. Mula noon ay hindi na rin siya pinapansin ng kanyang pamilya dahil ang mga ito ay nagbiyahe na sa Hawaii. Tanging ina niya na lamang ang tumututok sa kanyang kaso. Humihingi ng tulong ang mga kamag-anak ni Salmos para agad siyang makauwi sa Pilipinas.
Kinonsulta namin ang OWWA tungkol sa problema ni Salmos. Ang una naming itinanong ay kung may makukuhang benepisyo si Salmos mula sa kumpanya o sa OWWA dahil may kinalaman naman sa trabaho ang kanyang sakuna. Ayon sa OWWA, hindi agad maasikaso ang mga benepisyo ni Salmos dahil hindi siya makalakad at makalabas ng ospital para ayusin ang mga papeles.
‘Di ba puwedeng mag-execute na lang ng special power of attorney si Salmos para may ibang lumakad ng papeles niya? Kahit ang POLO ay puwedeng mag-follow up nito.
Ang isa pang problema ni Salmos ay ‘di siya makauwi dahil wala siyang exit visa. Hindi rin siya maisyuhan nito dahil may ilang kaso siya tungkol sa kanyang sasakyan. Gaano pa katagal ang pagproseso nito? Sana gumawa ng malakas na representasyon ang OWWA sa host country para mapabilis ang pag-i-issue ng exit visa. Puwede namang ituring ito na emergency case, ‘di ba?
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo