ANG DAMI pa ring mga Yolanda stories kaming nasasagap na ginawa ng Startalk.
Ilan sa mga napanood n’yo sa Startalk ay ang interview namin kay Jennylyn Mercado na ang dami pala niyang kamag-anak na nandu’n sa Tacloban, Leyte. Mabuti at nalaman na rin niyang safe na sila, pero hindi naman alam ni Jennylyn kung paano siya makapagpapadala ng tulong.
Gusto nga raw niyang pumunta roon, pero pinipigilan lang siya dahil hindi pa ganu’n ka-safe. Siyempre, sa halip na tumulong ang mga military o police du’n magbabantay na lang sa kanila, para sa security nila.
Kaya hindi pa talaga tama na pumunta roon ang mga artista kung gusto man nilang tumulong. Tama na lang na dito na lang muna at tumulong na makalikom ng sapat na pondo para sa mga tulong na ipamigay roon.
Hindi lang sa Tacloban kundi pati sa ilan pang bahagi ng Kabisayaan. Ang Tacloban nga lang ang pinakamatinding sinira, kaya roon ang pinakamaraming nangangailangan ng tulong.
Anyway, hindi lang si Jennylyn ang nag-aalala sa mga kamag-anak niyang nasalanta ng super typhoon, kundi marami pa. Kaya isa ang Startalk sa nakiisa sa pagkalap ng mga donasyon.
Kung napanood n’yo ang Startalk nu’ng nakaraang Sabado, nagkaroon kami ng bidding ng mga gamit na binigay ng mga kilalang Kapuso stars at ang malilikom doon ay ibibigay sa Kapuso Foundation na namamahagi ng tulong sa mga nabiktima ng bagyo.
Nagbigay si Jennylyn ng gown niya, pero ang pinakabongga, ang abogado ni Claudine Barretto na si Atty. Ferdie Topacio, dahil binigay nito ang suot niyang Rolex watch na isa raw sa pinakauna niyang gamit na nabili mula sa mga kinita niya bilang abogado. Bongga nga, ‘yun ang ilan sa pinakamaraming nag-bid at talagang pinag-agawan, ha?
Kaya abangan n’yo sa darating na Sabado kung magkano ang nalikom ng Startalk at kung kanino napunta ang mga gamit ng mga Kapuso stars na pina-auction.
SI KYLIE Padilla ang isa sa gusto ring pumunta ng Tacloban pero pinigilan ito dahil hindi pa nga safe.
Isa pala siya sa active sa pagbigay ng tulong sa mga binagyo, pero feeling daw niya kulang pa, kaya gusto sana niyang pumunta roon para tumulong.
May mga ilan pa ngang staff sa GMA-7 na pumunta ng Tacloban para sumali sa mga volunteer. Kulang pa raw kasi ng mga tumutulong doon kaya may mga ilan na akong alam na sumali sa mga volunteer.
Gusto man ni Kylie na mag-volunteer, ayaw siyang payagan dahil sunud-sunod na ang taping niya sa Adarna na magsisimula na mamayang gabi sa GMA Telebabad.
Ang isa ring leading man ni Kylie sa Adarna na si Mikael Daez ay nag-aalala rin sa bestfriend niyang nasa Leyte.
Meron daw resort doon itong kaibigan niya at hanggang ngayon ay wala pa raw siyang balita kung okay sila.
Kasi nasa tabi sila ng dagat, gawa ng may resort sila. Ipinapanalangin na lang ni Mikael na sana safe sila roon sa Leyte.
Hay, naku! Matagal-tagal pa ‘tong pagdurusa ng mga kababayan natin sa Bisaya gawa ng super typhoon Yolanda.
Mga ilang buwan pa raw bago sila magkaroon ng kuryente kaya dusa pa talaga.
Siyanga pala, lalo akong bumilib kay Anderson Cooper sa coverage niya sa Tacloban. Ang linaw ng sagot niya sa mga patutsada sa kanya ni Korina Sanchez, kaya lalo kong nataypan si Anderson.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis