Nalason!

NITONG MGA nakaraang buwan, makailang ulit na ang mga balitang tumukoy sa pagkalason ng marami nating kababayan, kung saan mga kabataan ang naging biktima nito. Nakababahala na tila nagkukulang ang pamahalaan sa pagbibigay-proteksyon sa publiko mula sa mga nakalalasong pagkain at gamit na nabibili sa merkado. Bakit nakalulusot ang mga produktong ito at naibebenta sa publiko?

Ang pagkain ay mahalaga at itinuturing na isa sa mga esensyal na bagay para tayo ay mabuhay. Dapat tiyakin ng pamahalaan na bukod sa kailangang laging mayroong sapat na pinagkukunan ng pagkain ang mga mamamayan, nasisiguro nilang ligtas ang mga ito mula sa lason o kontaminasyon. Ang pagtitiyak ng pamahalaan na malinis at ligtas ang mga ito ay bahagi ng pangunahing responsibilidad ng gobyerno sa taong bayan.

Ang gobyerno lang kasi ang may sapat na makinarya at kakayahan upang gawin ang pagtitiyak na ito para sa buong kapuluan ng Pilipinas. Kaya naman nakadidismaya na sunud-sunod ang mga insidente ng pagkakalason ng mga tao at karamihan pa ay mga bata ang biktima. Dapat gumawa ang administrasyon ni Aquino ng isang malawakang programa na tutugon sa problema ng pagkalason ng mga tao.

MARAHIL AY isa ka sa nakapanood ng na-upload na kuha ng CCTV sa dalawang biktima na namatay dahil sa pag-inom ng milk tea. Sa video ay ilang minuto lang ang nagdaan nang biglang nagkikisay ang babaeng biktima ng pagkalason mula sa milk tea na ininom niya at ng kanyang kasintahan.

Pagkalipas lang ng isang minuto ay ang lalaking kasintahan naman ang bumulagta at nangisay dahil sa pagkalason. Ang sumunod na eksena ay ang lalaking nagmamay-ari ng tindahan ng milk tea ang inilalabas mula sa loob ng tindahan na wala na ring buhay.

Namatay ang babaeng biktima at lalaking nagmamay-ari ng milk tea house ngunit nabuhay naman ang lalaking kasintahan ng namatay na babae. Ang pangyayaring ito ang tila nagbukas ng pinto sa maraming insidente ng pagkalason na nagkasunud-sunod na hanggang ngayon. Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin naging malinaw ang pinagmulan ng nakalasong sangkap ng milk tea na kumitil sa 2 buhay.

Mayroon ding nabalita kamakailan lang na mag-asawang nalason mula sa pinahihinalaang ininom nilang juice, na natagpuan sa loob ng kanilang sasakyan. Namatay ang mag-asawa dahil sa pagdurugo ng kanilang mga bituka, ayon sa awtopsiya na isinagawa ng NBI. Isang palaisipan pa rin ang pagkalasong ito hanggang ngayon.

MAS NAGING madalas naman ang mga naiulat na pagkalason ng mga mag-aaral at kabataan sa ilang paaralan at barangay. Mga minatamis, candy, suman, at mamon o cake ang itinuturing na pinagmulan ng pagkalason. Naging masalimuot lalo ang problemang ito sa pagkalason dahil tila napakaraming mga bagay ang pinagmumulan nito.

Nangangahulugan lamang na ang pagkalason ay madaling maganap kahit saan at anumang oras, kung ang pamahalaan ay nagkukulang sa pag-regulate ng mga pagkain, gamot, bagay, o kahit na anong produktong inilalako sa mga tao.

Nito lamang nakaraang linggo ay isang beauty queen ang namatay dahil sa pagkalason din mula naman sa pinaghihinalaang slimming pills na kanyang iniinom. Nabili umano ang slimming pills mula sa isang nagbebenta gamit ang Internet. Pagdurugo ng mga bahagi ng lamang loob ng babae at multiple organ failure umano ang ikinamatay niya. Maging ang mga gamot, food supplemen,t at slimming pills o pampapayat ay hindi hindi na rin ligtas ngayon.

Ang pinakahuling insidente ng pagkalason ay pinaghinihinalaang nagmula sa mga gamot na ibinigay ng Department of Health (DOH) sa publiko para pampurga sa mga batang may bulate sa tiyan. May mga nagsasabing expired na umano ang mga ipinamigay na gamot. Mariin namang itinanggi ito ng DOH at sinabing walang katotohanan ang balitang ito. Hindi umano expired ang mga gamot pamurga at ang mga pagkahilo at pagsusuka ng mga batang nabigyan ng gamot ng DOH ay natural lamang na epekto ng gamot sa tao.

HINDI KO nais pagdudahan ang “disclaimer” statement ng DOH o dahilan nila sa insidenteng ito na naganap sa isang probinsiya. Pero, hindi ba nationwide ang programang pamumurga ng DOH sa mga kabataan?

Bakit tila rito lamang sa probinsiyang ito naganap ang mga pagkahilo at pagsusuka ng mga kabataang nakainom ng gamot mula sa DOH? Hindi rin ako bilib sa paliwanag ng tagapagsalita ng DOH na nagkaroon lamang ng psychological imitation ang ilang kabataang biktima at gumaya lamang sa mga nakita nilang nagsusuka at nahihilo.

Ang pagtitiyak na ligtas ang mga pagkain at gamot na nabibili at ibinibigay sa publiko ay isang napakahalagang trabaho. Ngunit kung ang mismong DOH ay hindi kayang ma-regulate ang kanilang mga gamot, papaano pang maaasahan natin na magagampanan ng gobyerno ang responsibilidad na ito sa taong bayan. Nakadidismaya na isiping ang isang responsibilidad na pagtitiyak ng kaligtasan ng publiko gaya nito ay hindi magawa nang matino ng ating pamahalaan.

Ang isyung ito ay seryosong bagay dahil buhay ng tao ang nasasayang dito. Hindi dapat balewalain ito ng pamahalaan dahil bahagi pa rin ito ng bulok na sistema at kakulangan ng administrasyon ni Pangulong Aquino.

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.

Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous article89.42 M Pilipino, covered na ng PhilHealth
Next articleBukambibig 07/31/15

No posts to display