NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Ako po ay isang concerned citizen na taga-Parañaque City at mayroon po akong gustong ihingi ng tulong. Iyong pamangkin ko ay nanganak at napaanak po siya sa ambulansya along UPS 4, Parañaque. Sa Taguig Pateros Hospital naman po nagtuloy ang ambulansya at doon na pinutol ang pusod ng bata. Sila na rin po ang nag-ayos, pero ayaw po ng mga staff na pumirma sa birth certificate ng mga bata. Hindi po namin maiparehistro dahil ang sabi sa ospital ay dapat sa Parañaque po ang pipirma. Samantalang sabi naman po sa local civil registry ng Parañaque ay dapat sa ospital ang pipirma. Pinagpapasa-pasahan po kami. Paano po kaya ang gagawin namin? Sana ay matulungan ninyo kami.
- Concerned citizen lang po ako ng Parañaque, itatanong ko lang po kung authorized po ba mag-drive ng police mobile car ang tauhan ng barangay katulad ng mga tanod po ng barangay na naka-assign sa police precint. Dito po kasi sa amin ay mga tauhan po halos ang nagda-drive ng mga police car.
- Sana po ay matulungan ninyo kami sa problema namin sa creek dito sa aming lugar dahil maraming basura at pinamumugaran ng maraming lamok kaya kapag dumating ang tag-ulan ay lagi kaming binabaha. Pumapasok ang tubig hanggang sa loob ng aming bahay. Makailang ulit na akong nagreklamo sa barangay at munisipyo pero wala pa rin pong aksyon na ginagawa. Sana po ay makalampag ninyo ang kinauukulan para kumilos sila.
- Sa Guinpanaan National High School ay grabe po magpa-project. No fees, no exam po ang policy nila. May authorize collection daw po silang P355.00. At ngayong closing ng eskuwela ay may project pa rin para sa bawat estudyante tulad ng walis-tingting, walis-tambo, hollow blocks, at mga tanim.
- Concerned citizen po ako rito sa Cebu, hihingi lang po kasi kami ng tulong dahil wala po kasing traffic enforcer na naka-assign dito sa Mendero Medical Center. Sa may kanto ng Pitogo, Consolacion, Cebu. Wala po kasing nagbabantay rito na enforcer at delikado po sa mga tumatawid na matatanda na kung minsan ay may dala-dalang mga bata.
- Isa lang po akong concerned commuter ng Philippine National Railways at nais ko pong maipaabot sa kinauukulan itong aming reklamo. Sana ay mabigyang aksyon at masolusyunan po ito. Ang reklamo ko po ay tungkol sa CR ng PNR sa Nichols Station na hindi po nagagamit ng mga commuter na tulad ko dahil ginawang tirahan ng teller doon. Bakit po hinayaan ng management ng PNR na gawin iyon ng teller? Paano naman po ang mga mananakay na nangangailangan ng CR na hindi makagamit ng CR na laan naman para sa mga commuter at hindi sa isang tao lang.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo