ANG KABUTIHAN, sabi ng matatanda ay nasa dugo. Kaya mayroon tayong mga kasabihang gaya ng “kung ano ang puno ay siya rin ang bunga” at “ang puno ng saging kailan man ay hindi magbubunga ng mangga”, palagay ko ay rito rin kumukuha ng tiwala sa tao si Grace Poe at dito naman nahihirapan si Sen. Bongbong Marcos.
Dalawang political campaign advertisement ang nakakuha ng atensyon ko nitong mga nakaraang araw. Ito ang mga palatastas nina Poe at Marcos. Si Poe ay pinaaalala ang diwa ng kanyang ama na si Fernando Poe Jr. o mas kilala bilang “The King”. Hari si FPJ hindi lang ng pelikulang Pilipino, kundi pati ng mga action hero stars sa Pilipinas. Isipin n’yo na lang na ang nagdala sa maraming action star sa Senado ay ang kanilang kasikatan.
Ang mga senador na sina Ramon Revilla, Sr., Lito Lapid, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla, Jr. ay pawang mga sikat na artista at walang duda na malaking salik ang kanilang kasikatan bilang mga action star sa Pilipinas, at ito ang nagdala sa kanila sa posisyon. Kaya naman walang duda rin na si FPJ ang nanalo sa 2004 presidential election, ngunit sa kasawiang palad ay tila nadaya siya.
ANG MGA larawan ni FPJ ang maraming ulit na ipinakikita sa political advertisement ni Poe. Halatang sinasabi niyang minana niya sa kanyang ama ang pagiging likas na mabuti, malapit sa tao lalung-lalo sa mga mahihirap, at matulungin. Ang problema lang ay tila hindi naman papasok sa konteksto ng nananalaytay sa dugo ang kabutihan sa pagitan ni Sen. Grace Poe at FPJ dahil hindi talaga sila magkadugo. Kung sa isip ng maraming tao ay tunay ngang mabuti at matulungin sa mahihirap si FPJ, hindi rin mangangahulugan na minana ni Poe ang kabutihang ito mula sa dugong nananalaytay sa kanya ngayon.
Gaano nga ba katotoo ang kasabihang ito? Sabihin na nating kailan man ay walang kongkretong patunay ito na magmumula sa siyensya o agham, ngunit ang sosyolohikal at antropolohikal na datos na nagpapakita ng daloy ng kaisipan ng mga tao sa Pilipinas ay sapat para sabihing pinaniniwalaan ito ng marami at malaki ang epekto nito sa pulitika sa Pilipinas. Ito ang daluyan ng kaisipan sa mga datos na nakukuha ng mga eksperto mula sa University of the Philippines, Ateneo de Manila University, at De La Salle University.
Nangangahulugan na epektibong paraan pa rin ng pagkuha ng simpatya ng mga tao ang kaisipang nananalaytay sa dugo ang kabutihan ng tao. Hindi ba ito rin ang nagdala sa kasalukuyang pangulo na si PNoy? Hindi siya matunog bilang congressman at senador noon. Tila nandoon lamang siya dahil sa ang kanyang apelyido ay Aquino.
Base sa tala ng kasaysayan, nahigitan pa ng boto ni Pangulong Noynoy Aquino ang population majority vote ni President Joseph Estrada noon dahil sa ang kanyang mga magulang ay pawang itinuturing na mga bayani ng bansa. Gaya nga ng aking tinuran kanina, dito nangangapital ng tiwala si Sen. Grace Poe. Ngunit makaaapekto nga ba ang isyu ng kanyang pagiging ampon sa kaisipang ito?
KUNG PAPANSININ naman natin ang political advertisement ni Senator Bongbong Marcos, wala kahit isang larawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang ipinakita sa palatastas. Malinaw na nais baguhin ng political advertisement ni Marcos ang kaisipang baka maging kagaya siya ng kanyang ama na isang diktador.
Ang ipinakita sa palatastas ay tanging si Marcos lamang na tumutulong sa mga tao para paunlarin ang kanilang kabuhayan. Ito kasi ang isang mabuting bagay na tumatak sa isip ng mga tao noong panahon ng diktadurya, na maganda umano ang ekonomiya ng Pilipinas.
Hindi nais ni Marcos na maipaalala sa mga tao ang bangungot ng rehimeng Marcos sa ilalim ng 1972 Martial Law. Hindi nais maikabit ni Sen. Marcos ang imaheng ito sa kanyang pagkatao. Dito dehado si Marcos kay Sen. Poe. Ang gustong kasangkapanin ni Poe at ayaw gamitin ni Marcos. Naaapektuhan nga ba ang integridad ni Sen. Marcos dahil sa mga nagawang mali ng kayang ama na itinuturing na isang diktador ng maraming aklat, scholarly journals, at babasahin sa mga unibersidad?
Kung tutuusin ay dinala rin si Sen. Bongbong Marcos ng kanyang apelyido dahil bitbit ng pangalang ito ang labis na katalinuhan ng kanyang yumaong ama. Sa katunayan ay magpahanggang ngayon ay nananatili sa kapangyarihang politikal ang Pamilyang Marcos dahil nasa Kongreso pa rin ang kanyang ina na si Imelda at kasalukuyang gobernador naman ang kanyang kapatid na si Imee. Kung susumahin ay talagang may malaking epekto sa kulturang Pilipino ang pagkapamilya at pangalan. Ang kaisipang ito ay binubuod na pagiging “magkakadugo”.
ANG AMA ng mga batas na Magna Carta for Small Farmers at ang Cooperative Code of the Philippines na si dating Senator Butz Aquino ay pumanaw na. Masasabi nating isa siya sa mga pulitikong tunay na nag-alay ng kanyang sarili sa bayan.
Hindi rin natin sasabihing siya ay dinala ng kanyang pangalan sa posisyon kundi ang pangalang Aquino ay tila nagtataglay ng dugong makabayan. Ang kayang kapatid na si Ninoy Aquino ay itinuturing nating bayani ng ating panahon dahil sa pag-aalay niya ng kanyang buhay para sa bayan.
Si Sen. Butz Aquino na unang nanawagan ng pagkakaisa na sa kalauna’y naging isang 1986 people power revolution, ay nag-alay rin ng kanyang sarili para sa bayan. Dito natin siguro masasabing ang tunay na kabutihan o ang pagiging makabayan ay nananalaytay sa dugo.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo