NANG DAHIL sa pagmamahal sa kanyang tsinelas ng may-ari ng isang factory, 72 mga tao niya ang namatay sa sunog. Ayon kasi sa abogado ng may-ari ng nasunog na pagawaan ng tsinelas sa Valenzuela, sadyang inilagay raw ang mga rehas na bakal sa second floor ng nasabing pagawaan upang maproteksyunan ang mga tsinelas laban sa mga kawatan.
Lumilitaw sa pahayag na ito na mas mahal pa pala ng may-ari ang kanyang mga tsinelas kaysa sa kanyang mga trabahador, dahil naisipan niyang bigyang-proteksyon ang mga ito laban sa mga kawatan kaysa protektahan ang kapakanan ng kanyang mga tauhan.
Sinabi pa ng abogadong ito na wala raw nilabag na batas at hindi iligal ang pagkakaroon ng mga rehas na bakal sa mga bintana ng nasunog na pagawaan sapagkat ito raw ay nainspeksyon, inaprubahan, at nabigyan ng business permit.
Walang kaduda-duda na may business permit ang nasunog na pagawaan at ito ay dumaan sa pag-iinspeksyon ng mga taga-Bureau of Fire. Ang kaso nga lang, ang fire marshall ng Bureau of Fire ng Valenzuela na nagsagawa ng mga pag-iinspeksyon sa nasabing pagawaan bago ito nasunog ay sinibak na sa puwesto at kasalukuyan nang iniimbestigahan. Kapag inabot pa siya ng malas, maaari pa siyang makulong.
MAKAILANG BESES na kaming nakatanggap ng sumbong sa programang Wanted Sa Radyo mula sa mga manggagawa ng iba’t ibang factory at inirereklamo ang hazardous working condition sa kanilang pinagtatrabahuhan.
May isang reklamo pa nga noon na mula sa ilang mga trabahador ng isang garment factory na hinding-hindi ko makalilimutan. Ayon sa kanilang reklamo, pina-padlock daw ang nag-iisang pinto sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan. Ang mga bintana naman daw ay nakabitan ng mga rehas na bakal.
May mga timba raw na inilaan ang may-ari na para kanilang pag-iihian upang ‘di na kailangan pang lumabas sa oras ng trabaho. Ang dahilan nito ay sapagkat takot daw ang may-ari na manakawan.
NOONG NAKARAANG Biyernes lamang, dalawampung mga manggagawa ng isang factory ng bag sa Antipolo ang dumulog sa segment na Itimbre Mo Kay Tulfo sa Aksyon Sa Tanghali para isumbong ang kawalan ng fire exit sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Nag-iisa lang daw ang fire exit doon at ito ay isang death trap pa dahil ang agad na lalagusan nito ay isang mataas na sementong pader na sadyang may ikinalat na mga bubog na bote sa tuktok ng pader na ito. Wala rin daw water sprinkler sa nasabing pagawaan.
Ayon pa sa kanila, may pumupunta raw na inspektor ng Bureau of Fire sa kanilang factory, pero hindi para mag-inspeksyon ng mga fire exit, kundi para magbenta raw ng mga fire extinguisher.
BAGAMA’T KATUWANG ng programang Wanted Sa Radyo ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbibigay-aksyon sa mga hinaing ng ating mga manggagawa, makailang ulit ko na silang pinaalalahanan na mistulang sirang plaka na dapat ay umiikot ang kanilang mga field inspector sa mga factory at construction site upang silipin ang kalagayan ng mga trabahador doon.
Marami kasi sa mga factory ang hindi nagbibigay ng tamang pasahod at benepisyo sa kanilang mga manggagawa at ilan sa mga factory na ito ay kumukuha ng mga trabahador mula sa agency para makalusot sa pagbayad sa mga benepisyo.
Ilang taon na ang nakararaan, nagkaroon ng aksidente sa isang construction site sa Makati, kung saan may mga construction worker ang nasawi. At ngayon, isang factory naman sa Valenzuela ang nasunog at maraming mga manggagawa ang namatay.
Sa parehong okasyon, pagkatapos ng sakuna, binisita ng DOLE ang pinangyarihan ng trahedya at kinondena ang hindi maayos na working condition ng mga manggagawa roon na kanilang nadiskubre.
“Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo,” ayon pa sa isang kasabihan. Mas maigi sana kung huwag nang antayin na magkaroon muna ng trahedya sa isang kompanya bago nila ito mabisita.
KUNG GINAGAWA rin lang sana ng mga field inspector ng SSS at PhilHealth ang kanilang mga trabaho, malalaman nila na sandamakmak na malalaking pagawaan, construction site, at security agency sa ating bansa ang hindi nagre-remit ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado.
At ang masaklap pa, marami sa mga kompanyang ito ay ginagamit pa ang SSS at PhilHealth para mapagnakawan ang kanilang mga tauhan – kumakaltas sila ng pera sa kada suweldo ng kanilang mga tao para rito, pero hindi naman nire-remit at ibinubulsa lang.
Tamad nga lang ba ang mga field inspector na ito o may “something-something” sa pagitan nila at ng mga may-ari ng mga kompanya sa kanilang kinasasakupan?
Maraming taon na ang nakalilipas, isang laundromat owner na may tatlong washer at dalawang dryer sa Binondo ang nagsumbong sa akin dahil makailang beses daw siyang pulit-ulit na binabalik-balikan ng isang SSS field inspector na may kasama pang banta na siya’y ipakukulong dahil nade-delay ang kanyang pagre-remit ng kontribusyon para sa kanyang tatlong tauhan.
Sa sobrang galit ko, nang aking makausap ang nasabing inspektor, namura ko siya. Ipinamukha ko sa kanya ang libu-libong mga trabahador sa isang mall sa kanyang lugar na hindi nagre-remit ng kontribusyon sa SSS ang mga amo. At ang mall na ito ay hindi niya hinaharas. Matatandaan kong tila nabulunan at nagkandautal-utal siya noon sa pagpapaliwanag at pagdepensa sa kanyang sarili.
ISANG MAY-ARI ng maliit na grocery store sa loob ng isang palengke sa Tarlac naman ang nagsumbong din sa akin noon dahil hinaharas daw siya ng PhilHealth matapos magreklamo ang kanyang sampung empleyado.
Bagama’t inamin niya na nade-delay nga ang kanyang pagre-remit ng monthly contribution para sa kanyang mga trabahador, pero nakikipag-usap naman daw siya sa PhilHealth tungkol dito. Pinayuhan ko ang grocery owner na gumawa ng remedyo para agad na mabayaran ang balanse niya sa PhilHealth.
At nang makausap ko naman ang nasabing kawani ng PhilHealth, ipinamukha ko rin sa kanya ang maraming mga trabahador sa mga hardware, restaurant at iba pang malalaking negosyo sa lugar na kanyang kinasasakupan na hindi talaga nagre-remit ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado sa PhilHealth kahit na singkong duling. At bakit ang mga ito ay hindi niya hinaharas?
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3:Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo