NANINIWALA BA kayo na magtatagal ang long distance relationship? Lalo na kung ngayon pa lang na magkasama kayo, hindi na maiwasan ang magkatampuhan, LDR pa kaya? Naniniwala rin ba kayo na hindi napapalayo ang kalooban ng anak sa kanyang ama o ina na Overseas Filipino Worker o OFW sa ibang bansa? Lalo na kung maiisip mo ang mga taon na lumilipas nang hindi nila nakakasama ang isa’t isa. Makikita natin na ang nagiging pinakaproblema ng mga nasabing sitwasyon ay kawalan ng komunikasyon na siya namang binigyan ng solusyon ng Skype.
Siguro sabihin na rin natin na ang prinsipyo ng Skype ay hindi sapat ang basta-basta makausap mo lang siya at marinig ang boses niya. Mas gusto mo pa rin ang nakikita mo siya, kung nasa maayos ba siyang kalagayan, kung nangangayayat ba siya o kung hiyang siya kung nasaan man siya ngayon. Kaya naman napakatalinong ideya ang pagkakaroon ng Skype na hinahayaan ang users niya na makausap at makita ang iyong ka-chat. Basta siguraduhin mo lang na ikaw ay may Skype ID, internet at siyempre device gaya ng smartphone, computer, tablet o laptop.
Bagay na bagay pa ang pangalan na Skype na kinuha sa dalawang salita na “sky” at “peer”. O ‘di ba, parang sa pangalan pa lang, malalaman mo na agad na wala sa layo ng distanya ang makapipigil para makausap ng tila ba sa personal ang iyong mahal sa buhay at kaibigan?
Isang taga-Denmark na nagngangalang Janus Friis at isang taga Sweden na si Niklas Zennstrom ang nasa likod ng matagumpay na Skype. Sila ang gumawa nito sa tulong din nina Ahti Heinla, Priit Kasesalu at Jaam Tallinn ng Estonia.
Nai-release lamang ang Skype noong Agosto taong 2003 at pormal na binili ng Microsoft sa halagang 8.5 billion dollars noong taong 2011. Sa nasabing taon, nagkaroon agad ito ng 725 million registered users.
Maraming features ang Skype. Nariyan siyempre ang pagkakaroon ng Skype Name o ID. Kapag mayroon ka na nito, matik na ikaw ay nasasama na sa Skype directory. Puwede rin ang voice chat o voice call. Puwede itong gawin nang dalawahan o kahit higit pa sa dalawa na kanilang tinatawag bilang conference call. Puwede rin sa Skype ang instant messaging. Kung hindi sapat ang voice chat sa inyo, aba, puwede mo rin namang i-type ang mga gusto mong sabihin samahan mo pa ng mga emoticons. At siyempre, ang pinakamahalaga sa Skype, puwedeng-puwede rito ang video chat na puwede mong makita ang kasalukuyang kalagayan ng iyong ka-chat.
Maraming magagandang posibilidad ang handog ng Skype. Marami ring mga problema ang nasosolusyonan nito gaya na lang ng problema sa komunikasyon at pagiging homesick ng mga tao. Subalit, kung maraming kagandahan ang naidudulot ng Skype, marami ring kasamaan ang napapala sa pag-abuso ng mga tao sa Skype. Lalo na kung sinasamahan na ng kalaswaan at kasamaan ang paggamit nito kaya hindi nakapagtataka na marami nang napapahamak dahil dito. Mga bagets, ang lahat ng bagay ay may limitasyon. Ang Skype ay isang imbensyon na naglalayon na mapagbuklod-buklod ang mga tao. Kaya naman gamitin ito sa mabuting pamamaraan at huwag abusuhin ito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo