NAKATUTUWANG MULING mapanood si Donna Cruz na kumanta sa Sunday All Stars (SAS) noong Linggo, October 20. Guest performer siya sa grupo kung saan miyembro ang pinsan niyang si Rodjun Cruz.
Pero hindi raw ito senyales na magbabalik-showbiz siya. Hindi lang daw niya mahindian si Rodjun.
“Love na love ko ‘yon!” aniya. “Hindi niya talaga ako tinigilan hanggang sa pumayag ako. Natuwa naman ako kasi siya talaga ang personal na nag-invite sa akin. Ang kung makatutulong naman sa team ng pinsan ko… ‘di ba? Anytime. Sabi ko nga sa kanya, basta para sa mga pinsan ko, anytime.
“Actually, ayaw nga akong paalisin kanina ng anak ko. Kasi nag-earthquake na naman. Sabi talaga niya… Mommy don’t go! Ako naman… I have to work because I promised my cousin!” sabay tawang kuwento pa nga ni Donna.
Sunday morning dumating sa Manila Si Donna. Balik din siya sa Cebu sa hapon after nga ng SAS.
“‘Yong mga kids ko kasi. Sobrang attached sa akin ‘yong tatlong anak ko.”
Sa Cebu na siya nakabase. Aniya, gaya ng Bohol at iba pang lugar na niyanig ng 7.2 intensity na lindol kamakailan, hirap pa ring bumangon mula sa nabanggit na trahedya ang mga kababayan niya roon.
“Affected talaga ng earthquake hanggang ngayon. Grabe!”
Nasa bahay lang daw siya ng kanyang mga anak nang mangyari ang lindol. Ang mister naman niyang si Yong Larrazabal na isang ophthalmologist at eye surgeon, kaaalis lang papunta sa trabaho nito.
“My gosh! Napalabas ako ng bahay na ang suot ko, eh pantulog lang na medyo sexy!” sabay tawa niya.
“Around 8:15 am nang lumindol. At sabi ko nga… do’n mo mapatutunayan kung halimbawang may nangyaring gano’n, ano ang pinakaimportante sa buhay mo. Na madadala mo ba ang ganito o ganyan? Wala akong nadala kundi ‘yong mga anak ko. Scarry! Ang dami naming nabasag na mga gamit sa bahay. Pati ‘yong chandelier nasira rin.”
Para makatulong daw sa mga nasalanta ng lindol, may mga inorganisa raw siyang mga run to raise funds. Hindi kaya ‘yong mga ginagawa niyang pakikibahagi sa mga charitable activities ay maging daan para maisipan din niyang pasukin ang pulitika?
“No way!” tawa ulit niya. “Ayoko. Kung ang mundo ng showbiz ay magulo, mas doble sa politics. And for me kasi, puwede naman akong tumulong na hindi ko kailangang tumakbo sa politics. Even ‘yong husband ko, pinagbabawalan ko. As in!”
Ang showbiz, nami-miss niya? “Uhm… ‘yong singing siguro. Nami-miss ko ‘yong pagkanta. Kaya nga happy na happy ako ngayon at nagpapasalamat sa cousin kong si Rodjun. Kasi, at least nakakanta ulit ako!” sabay tawa ni Donna.
Kinanta ni Donna sa production number ng grupo nina Rodjun sa SAS ang Habang May Buhay. Isa ito sa mga awiting pinasikat niya noong mid 90’s. Panahon ng kanyang pamamayagpag bilang isa sa mga sikat na young actress at singer during that time.
Ano nga pala ang feeling niya tungkol sa remake ng pinagbidahan niyang serye noon sa GMA-7 na Villa Quintana. This time, si Janine Gutierrez ang gaganap sa role na unang ipinortray niya noon.
“Siyempre nakakatuwa. And excited ako for Janine. Kasi kapag titingnan mo siya, bagay na bagay rin sa kanya ‘yong role. Sana ‘yong viewers, bigyan nila ng tsansa ‘yong remake. Na siguro mas high tech na ngayon na mas maganda na ‘yong quality ng pag-shoot nito. And ang ganda naman ng leadstar na si Janine. Tapos ang guwapo rin ng leading man niyang si Elmo (Magalona),” sabi pa ni Donna.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan