‘PAG MASYADO kang balat-sibuyas o sensitive, lalo mo lang binibigyan ng karapatan ang ibang tao na inisin ka, okrayin ka, dahil sumasaya sila ‘pag nakukuha nila ang gusto nila—ang mapikon ka.
Sa isa ngang pag-aaral, ang mga Pinoy raw ay likas nang matatampuhin o mararamdamin. Lalo na ‘pag inookray ang sariling bansa o ang pagka-Pilipino.
Tulad na lamang ng isang tweet ng foreigner na si Devina DeDiva na, “Miss Phillipines is Miss World? What a joke! I did not know those maids have anything else in them, hahaha! They r poor smelly cleaning toilets and uneducated.
“They r less priviledged everywhere! I’m surprised one can win! What a joke those people cleaning our toilets won Miss World. Majority r maids and 1 won such a title. It’s shocking and dumb!”
Nakaiinit talaga ng ulo ‘to, sa totoo lang. Kung darayo nga lang ‘to sa ‘Pinas, hindi ito makaaalis nang buhay, eh. Alam mo naman tayong mga Pinoy, ‘pag inokray ng sinumang dayuhan o kahit ng kapwa Pinoy ang kanyang lupang sinilangan, aba eh, ‘wag ka na munang lalabas ng bahay and don’t go online, dahil baka atakihin ka sa puso sa mga mababasa mong “ganti ng api”.
Pero at the end of the day, sino ba’ng talo? ‘Yun bang umokray o tayong mga nag-react? Maaaring nakaganti tayo at maaaring natuto na si Devina at ang mga tulad niyang “umaapi” sa lahing kayumanggi, pero ilan ba ang binigyan natin ng idea na okrayin tayo? Marami.
Kahit ang isang kapwa natin Pilipino, ‘pag trip nitong pagtripan ang social media, puwedeng ganoon din ang gawin nito. Sa anong paraan? Maaaring gumawa ito ng pekeng account sa Twitter o sa Facebook at manggago lang ‘yan, “sisikat” agad siya kahit notorious pa ang tingin sa kanya ng mga Pilipino.
Ang importante sa kanya’y nagulo niya ang mundo ng mga Pinoy.
Aba, ang daming ganyan. Ang daming tarantado sa social media, pero balanse naman talaga ang buhay ng tao, eh. May masama at may mabuti. Depende na lang sa ‘yo kung alin ang gusto mong maging ikaw.
Ayaw na naming magpayo, dahil baka sabihin, anong klaseng Pilipino ako na dapat ay nakikiisa sa mga bumabatikos sa ating bansa at lahi, tapos, dededmahin ko lang?
Eh, gano’n na lahat halos, eh. Bumabatikos na. Para mapaiba naman, ipagdadasal ko na lang ‘yang si Devina para ipaaalam sa kanya na hindi lahat ng Pilipino ay isinusumpa siya. Meron din namang ipagdarasal na lamang siya.
Hindi po kami nagpapakasanto sa isyung ito, ha?
Na-realize ko rin naman kasi na ba’t ko ba kukunsumihin ang sarili ko sa isang taong hindi ko naman kilala? So ano ‘to, lahat ng ‘di ko kilala, bibigyan ko ng karapatang haybladin ako? Hahahaha!
Tama na ‘yung sa pork barrel issue na lang tayo ma-highblood. Dadagdagan pa ba?
FINALLY, WE already watched “Kung Fu Divas” ni Mareng Ai-Ai delas Alas at Marian Rivera.
Hindi porke kumare namin ‘yang si Ai-Ai ay pupurihin na namin ang bawat produkto niya. Maaaring manahimik kami kung pangit kasi kaibigan namin siya.
Pero juice ko, ayaw na naming purihin pa ang pelikula ng dalawa. Kayo na ang humusga kung magkatugma tayo ng taste. Hehehe.
Kami kasi, hindi namin akalain na gano’n kakinis at kaganda ang pelikula. Grabe ‘yung binadyet dito, sa totoo lang. Kaya pala umabot ng P60M ito eh, juice ko, ramdam mo talaga habang pinanonood namin.
Ang tanong nga namin kay Ai-Ai, “Nakapapagod ba talaga ‘yung ginawa n’yo ni Marian? Kasi, napagod ako, eh. Ang galing n’yong dalawa at nakakatawa ‘yung movie!”
Ang husay ring direktor pala nitong si Onat Diaz. Para siyang foreign director talaga, dahil ang gaganda ng shots niya.
Saka kahit pa paulit-ulit na lang na idinadayalog ang “thank you for your wonderful question” ay havey na havey pa rin sa audience.
Para nga kaming sirang plaka sa kasasabi sa misis namin na panoorin namin uli with the kids ang Kung Fu Divas kasi nakaaaliw siya at ang daming unpredictable scenes.
Eh, kami pa naman, ‘pag pangit ang pinanonood, nalulungkot kami. Kelan lang ay nalungkot kami sa isang comedy movie pa namang naturingan, pero hindi kami natawa, promise.
At least, sa Kung Fu Divas, bumalik na uli ang ngiti sa mukha namin. At natagpuan na lang namin ang sarili namin kasama ang iba pang audience na tumayo habang pumapalakpak.
Oh My G!
by Ogie Diaz