Dear Atty. Acosta,
NAGHAIN PO ako ng kasong damages laban sa aking kapit-bahay sa Municipal Trial Court sa aming lugar. Nangangamba po ako na madi-dismiss lamang ito dahil malawak ang koneksiyon ng aking idinemanda. Kung sakali po na ‘di po ako paburan ng hukuman, maaari po ba akong mag-apela? Sana po ay matulungan ninyo ako.
Miss S
Dear Miss S,
UNA SA lahat, nais naming ipabatid sa iyo na ang ating hukuman ay nagbibigay ng desisyon alinsunod sa merito ng iyong kaso at hindi sa koneksiyon o maimpluwensiyang tao na kaugnay ng sinuman sa kaso. Didinggin ang iyong kaso batay sa mga ebidensiya na iyong ibinigay at ng taong iyong idinemanda at sa batas na naaayon dito.
Gayunpaman, bilang kasagutan sa iyong katanungan, maaari kang maghain ng isang apela kung hindi magiging pabor sa iyo ang desisyon ng hukuman kung saan nakabinbin ang iyong kaso. Ang apela ay isang remedyo na ibinibigay ng ating batas, kung saan ang desisyon ng mababang hukuman ay muling iaakyat sa mas mataas na hukuman upang muling suriin nito ang kaso at tingnan kung tama o mali ang desisyon na ibinigay ng mababang hukuman.
Ang mga desiyon ng Municipal Trial Court ay maaaring iapela sa Regional Trial Court ng inyong lugar alinsunod sa Section 1, Rule 40 ng Rules of Court. Ang sinumang may nais na mag-apela ng desisyon ng hukuman ay kinakailangang gawin ito sa loob ng labinglimang (15) araw matapos maipagbigay-alam sa taong mag-aapela ang naturang desisyon (Section 2, Rule 40, Rules of Court). Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng paghahain ng Notice of Appeal sa Municipal Trial Court na nagbigay ng desisyon kung saan nakasaad ang mga petsa na magpapakita na nasa panahon ang paghahain ng apela. Ang paghahain ng apela ay kinakailangang ipagbigay-alam sa iyong katunggali sa kaso (Section 3, ibid.). Kinakailangan ding magbayad sa Clerk of Court ng Municipal Trial Court na nagbigay ng desisyon na nais mong iapela ng kaukulang bayad para sa appellate court docket at iba pang bayarin alinsunod sa batas. Ang katibayan ng iyong pagbabayad ng mga nabanggit ay ibibigay sa Regional Trial Court kasama ng rekord ng kasong inaapela (Section 5, ibid.) Ang Regional Trial Court kung saan mapupunta ang inapelang kaso ay maaaring maghain ng desisyon na umaayon, nagbabaligtad o nagmomodipika sa desisyon ng Municipal Trial Court.
Nawa ay nasagot namin nang lubusan ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta