Dear Atty. Acosta,
NANGIBANG-BAHAY PO ang aking asawa, mayroon na po siyang kinakasama at ito ay inamin niya mismo sa akin. Nakumpirma ko po ito noong minsang sundan ko siya pauwi galing sa trabaho. May tatlong buwan na pong wala sa amin ang asawa ko. Ano po ba ang dapat kong ikaso sa kanya para mapanagot siya sa ginawa niya? Hindi na rin po siya nagbibigay ng suporta sa mga anak namin.
Nena
Dear Nena,
ANG PAGSASAMA ng iyong asawa at ng kanyang karelasyong babae sa isang tirahan ay ipinagbabawal ng batas at ito ay may karampatang kaparusahan. Maaari mong sampahan ng kasong Concubinage ang iyong asawa ganun na rin ang nabanggit na babae. Sang-ayon sa Article 334 ng Revised Penal Code of the Philippines, ang pagsasama ng isang lalaking may asawa at isang babae na hindi naman niya asawa sa isang bahay upang sila ay magsama bilang mag-asawa ay mayroong kaparusahang pagkakulong na hindi bababa sa anim (6) na buwan at hindi lalagpas sa apat (4) na taon.
Ganun din, ang ginawang pagtataksil sa iyo ng iyong asawa ay itinuturing na isang uri ng pananakit sa iyo ng iyong asawa at ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas, alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act. Sa ilalim ng batas na ito, ang sino mang lalaki na mananakit sa kanyang asawa o karelasyong babae, maging pisikal, sikolohikal o ekonomikal, ay mayroong karampatang kaparusahang pagkakulong. Kung kaya maaari mong sampahan ng kaso ang iyong asawa dahil sa paglabag sa batas na ito. Dagdag pa rito, ang hindi pagbibigay ng sustento ng isang lalaki sa kanyang asawa at mga anak ay mahigpit ding ipinagbabawal ng batas na ito.
Maaari rin siyang mapanagot sa paglabag niya sa Republic Act No. 7610 o ang batas na naglalayong protektahan at isulong ang karapatan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, eksploytasyon, at diskriminasyon. Sang-ayon sa naturang batas, ang hindi pagbibigay ng suporta o sustento ng isang tao na may obligasyong magbigay nito ay isang uri ng pang-aabuso sa isang bata o menor de edad na nangangailangan ng kanyang suporta at kapag ito ay napatunayan, ang taong hindi nagbigay ng suporta ay mapapatawan ng kaparusahang pagkakulong (Section 3 (3), R.A. No. 7610).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta