“ANAK, KAMUKHA mo si Chichay!”
‘Yan ang dayalog namin kay Alex Gonzaga nu’ng bumeso sa amin habang katabi namin si Vhong Navarro sa set ng Todamax kung saan guest din si Alex that time.
“Sino po si Chichay?” na-curious naman si Alex.
“Siya ‘yung artista nu’ng 60s, 70s, 80s na napakahusay na komedyante. Nakakatawa siya. Ikaw ang batang Chichay. No offense meant, ha?”
“Ay, okay lang po ‘yon. Magaling naman pala, eh!”
KUNG HINDI magbabago ng pag-uugali itong si Diether Ocampo sa kanyang mga katrabaho at pagtatrabaho ay baka maging last teleserye na niya ang Apoy Sa Dagat.
Hindi na namin idedetalye ang aming mga nalalaman, dahil alam naming ang pagka-unprofessional ni Diether ay “tinitiis” na lang ng production staff.
Pero sabi ng aming source, “Sobrang layo sa kanya ni Piolo Pascual. Napakabait na tao ni Papapi, professional at may pakialam sa maliliit na tao at very generous pa, kaya gustung-gusto siya ng staff!”
Eh, si Diet?
“Ay, juice ko, Ogie. Pangaralan mo. Sabihin mo sa kanya, sana naman, ‘pag ipinatawag na sa set para kunan na ang eksena eh, ‘wag na kamo niyang paghintayin ang mga artista. Antagal-tagal niya sa dressing room niya para mag-ayos eh, talo pa siya ng mga babae sa bilis kumilos.
“Saka sana naman, isinasapuso niya ang mga linya niya para hindi inaabot ng isang oras o higit pa ang bawat take, dahil lagi siyang nagkakamali ng bitaw o ng facial reaction o ng blocking. Nakakalokah siya, kaya hindi natatapos ang lahat ng eksena, dahil siya rin ang kumakain ng oras.”
Nakakalungkot, ano po? Sayang, ang ganda pa naman ng rehistro sa kamera ni Diether. Ang guwapo niya sa screen at kung pagbabatayan ang napapanood namin sa Apoy Sa Dagat, eh medyo humusay naman siya sa pag-arte, in fairness.
Kaso nga, nababalewala ang kaguwapuhan, ang talento, kung napaka-inconsiderate mong tao. ‘Yung wala kang pakialam sa oras at damdamin ng mga taong pinaghihintay mo sa set.
Sayang. Andiyan ka na. Napapansin ka uli. Hahayaan mo bang mawala ito sa ‘yo?
Isip-isip din ‘pag me time.
‘YUNG ALAM naming consistent na nasa top ng survey at alam naman naming sila rin ang magta-top sa ending ay hindi na namin iboboto, dahil baka ‘yung mga “minamanok” namin ay hindi makapasok.
Hahaha!
Anyway, sana nga ay mapagbigyang makapaglingkod sa taumbayan sina Sonny Angara, Grace Poe, Cynthia Villar, Edward Hagedorn, Bro. Eddie Villanueva, Teddy Casino, Risa Hontiveros at makabalik din sa Senado sina Ramon Magsaysay, Jr. at Dick Gordon.
Iboboto din namin si Bam Aquino, pero nakakatakot ‘yung pangako niyang “Sisiguraduhin kong ang bawat pamilya ay may trabaho at negosyo!” dahil nakakatakot na pangako ‘yon. Lalo na’t sisiguraduhin mo pa.
The rest, pag-iisipan pa namin. O baka me nakalimutan lang kami. Hehehe!
Oh My G!
by Ogie Diaz