Dear Atty. Acosta,
MAYROON PO akong nabiling lote nang hulugan, ngunit ipinahinto ko ang kasunduan sa sarili kong kadahilanan. Ang sabi sa akin ng manager ng kumpanyang pinagbilhan ko ay wala na akong makukuhang pera mula sa kanila. Kung kaya’t iminungkahi ko na ibang lote na lamang ang kukunin ko at gagamitin ko na lamang ang nabayad ko noon para sa bagong lote. Ang nais kong malaman ay kung wala na ho ba talaga akong makukuha sa ibinayad ko noon. Sayang naman po kasi ang mga naibayad ko na kung mapupunta lamang sa wala. Pinagpawisan ko ang bawat halagang ibinayad ko sa kanila. Sana po ay mabigyan ninyo ako ng payo kung ano ang dapat kong gawin. Maraming salamat po.
Tony
Dear Tony,
UNA SA lahat, mahalagang alamin mo muna kung ano ang mga probisyon na nakasaad sa inyong kasunduan ng bentahan sapagkat ito ang magdidikta ng mga karapatan mo at ng kumpanyang napagbilhan mo ng lupa, gayun din ang mga obligasyon ninyo sa bawat isa. Sa kasunduan ninyo rin makikita kung ano ang mga remedyong maaari mong tahakin kung sakaling hindi maipatupad o matuloy ang inyong kasunduan.
Nais naming ipaalala na kailangan ninyong tuparin ang mga probisyon ng inyong kasunduan sapagkat ang mga ito ang magsisilbing batas sa inyong pagitan. Ito ay alinsunod sa Article 1159 ng New Civil Code of the Philippines: “Obligations arising from contracts have the force of law between the contracting parties and should be complied with in good faith.”
Batid namin na nakapanghihinayang sa iyong parte kung sakaling hindi mo na makuhang muli ang halagang ibinayad mo sa nasabing kumpanya, lalo na at ito ay pinaghirapan at pinagtrabahuan mo. Subalit, katulad ng aming nabanggit, kailangan munang suriin ang nilalaman ng inyong kasunduan upang masabi nang mayroong kasiguraduhan kung makukuha mo pang muli ang iyong ibinayad o hindi na. Kadalasang mayroong nakasaad na cancellation clause sa mga ganitong uri ng kasunduan na kung saan ipinaliliwanag kung ano lamang ang maaaring maging lehitimong sanhi ng pagkakansela ng kasunduan at kung ano ang matatanggap, kung mayroon man, ng bawat partido.
Kung nakasaad sa inyong kasunduan na maaari mong ikansela ang kontrata base sa anumang personal mong dahilan at nakasaad din na maaari mong makuhang muli ang iyong ibinayad, makabubuting makipag-ugnayan ka sa kumpanya upang maigiit mo ang iyong karapatan para sa iyong mga naibayad na. Sa kabilang banda, kung nakasaad sa inyong kasunduan na non-refundable o hindi na maaaring ibalik ang mga halagang naibayad mo kung sakaling ikansela mo ang kasunduan, maaaring wala ka nang makuha pang muli.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta