Narito na kami sa Parazzi!

TUWING MIYERKULES mula ngayong linggo ay mababasa na ninyo ang pitak na ito ng PhilHealth dito sa paborito ninyong Pinoy Parazzi.

Mahalaga sa amin na kayo ay laging ma-update sa inyong PhilHealth benefits at sa mga panuntunan kung paano ninyo magagamit ang mga ito o sino man sa pamilya na covered ng PhilHealth bilang qualified dependent.

Sa dami ng mambabasa ng Pinoy Parazzi ay alam naming marami sa ating mga kababayan ang matutulungan ng nanapanahong pagbabalita namin patungkol sa iba’t ibang benepisyo at serbisyo ng PhilHealth dito at sa labas ng bansa.

Iyan po ang “Alagang PhilHealth” kung saan ang ibig sabihin ng ALAGA ay “alamin” at “gamitin”. Naniniwala kami na sa tama at napapanahong impormasyon, mahihikayat namin ang bawat miyembrong “alamin” at “gamitin” ang kanilang benepisyong medikal na hati ng kanilang PhilHealth coverage.

 

Pero bago ang lahat…

Magpapakilala muna kami. Ang inyo pong PhilHealth ay isang government-owned and controlled corporation na nagseseguro ng kalusugan ng lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng social health insurance. Kapag may PhilHealth insurance, may proteksiyong pinansiyal tayo laban sa magastos sa pagpapagamot.

Itinadhana ng batas na lahat ng Pilipino ay magkaroon ng health insurance. Sa ngayon ay umabot na sa 81.5 milyong Pilipino ang may PhilHealth coverage na humigit-kumulang 82 porsiyento na ng ating 100 milyong populasyon.

 

Paano maging miyembro?

Madali lang maging miyembro. Pero bago iyan ay narito ang limang programa ng PhilHealth para ang lahat ay mabigayan ng coverage:

1. Formal economy – mga empleyado sa pampubliko at pribadong sektor, kasama ang job-order at project-based contractors, kasambahay, family drivers, at iba pa. Ang kanilang membership ay awtomatiko batay sa batas at may malaking katungkulan ang kanilang employer ukol dito.

2. Informal economy – self-earning gaya ng vendors, tricycle drivers, professional practitioners, at migrant workers.

3. Indigent – mga walang sapat na kinikita na nakatala sa National Household Targeting System (NHTS) ng DSWD. Sila ay ipinagbabayad ng Pamahalaan.

4. Sponsored – mga kababayan nating in-enroll at ipinagbabayad ng isang sponsor, indibidwal man o institusyon.

5. Lifetime – mga miyembrong nasa retirement age at may bayad na 120 buwan o higit pa. Sila ay covered na habambuhay.

Registration process

Pag-usapan muna natin ang enrolment process para sa Informal economy na talagang pinadali dahil duly filled-out PhilHealth Membership Registration Form o PMRF lamang ang kailangan para maging miyembro na ng PhilHealth.

Ang PMRF ay mahihingi sa aming mga tanggapan. Punan po ito nang kumpleto at makatotohanan, pirmahan na katunayang totoo ang lahat ng itinala ninyo, at isumite para kayo ay mabigyan ng PhilHealth Identification Number o PIN.

Kung may kapamilyang idedeklara, itala rin po sa nasabing form basta’t sila ay qualified. Sa susunod ay dedetalyehin ko kung sinu-sino ang puwedeng maging dependent ng isang miyembro. Sapat na malaman muna ninyo na ang bawat qualified na dependent, kahit ilan pa sila, ay walang dagdag na kontribusyon. Ibig sabihin, ang principal member lang ang nagbabayad ng premium pero nakikinabang pati ang kanyang mga kapamilyang qualified.

Bukod sa PIN ay ay bibigyan din kayo ng Member Data Record o MDR kung saan mababasa ninyo ang inyong membership details kasama ang inyong qualified dependents. I-update po ang MDR kung kailangan gamit pa rin ang PMRF.

Para sa first-time members, maaari na rin kayong magbayad ng premium na P2,400 (para sa isang taon) sa aming tanggapan para huwag nang malimutan ang bagay na ito. Para sa mga susunod na payments ay pwede na ring magbayad sa aming accredited banks and non-bank partners sa iba’t ibang panig ng bansa.

Itago po ang PIN at MDR at tiyaking madali ninyo itong mahahanap sakaling ma-confine sa isang accredited na pasilidad. Magandang nasa maayos na plastic envelope po ang mga ito para ligtas sa pagkabasa lalo na at napapadalas na ang pagbaha.

Para sa iba pang detalye ay maaari kayong tumawag sa aming action center sa 441-7442 (office hours lamang po) o kaya ay mag-email sa [email protected].

Hanggang sa susunod na Miyerkules dito sa Alagang PhilHealth!

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleTara, bawasan natin ang mga basura!
Next articleEstilong pribado sa gobyerno

No posts to display