SINO BA ang hindi nakakikilala kay Uzumaki Naruto na isang makulit na ninja ng bayan ng Konoha? Pero kahit makulit siya ay masasabi natin na sa buong kuwento, isa siyang kaibigan na mapagkakatiwalaan. Ang Naruto ay isang manga na ginawa ni Masashi Kishimoto at in-adopt din ang paggawa sa telebisyon na tungkol sa isang madaldal na makulit na ninja na paulit-ulit naghahanap ng pagtanggap, pagkakilala at ang ninja na may pangarap, pangarap na maging isang Hokage ng bayan nila, ang Konoha.
Bakit nga ba naghahanap si Naruto ng pagtanggap at pagkakilala sa kanya? Ayon sa kuwento, ang ama ni Naruto na si Yondaime Hokage ay ikinulong ang higanteng Kyuubi o demonyong lobo sa loob ni Naruto upang mailigtas ang bayan ng Konoha. Ngunit dahil alam ng mga mamamayan ng Konoha na sa kanya nakakulong ang Kyuubi ay parang tingin nila kay Naruto ay mapanganib at hindi magigiging magaling na isang ninja. At dahil siya ay pasaway kaya nakukulitan sa kanya ang mga ibang tao sa bayan nila, pero sa daloy ng kuwento hanggang sa huli, lahat ng mga haka-haka na iyon ay pinatunayan niya na hindi totoo.
Tayong mga kabataan ay makare-relate talaga kay Naruto, at iyon nga, sino ba ang hindi makakikilala sa kanya dahil ang iba sa kabataan ay parang kasabay ang pagtanda na ni Naruto nang mula ba naman ito ay pinalabas sa telebisyon dito sa Pilipinas ay ang mga kabataan noon ay mga nagre-range sa Grade 2 o Grade 3 pa lamang at ngayon ang iba siguro ay 4th year college na o nagtatrabaho na, pero nauna na si Naruto magtapos, nakalulungkot pero ganoon talaga.
Sa totoong buhay, mayroon tayong masasabing kaibigan na katulad ni Naruto, kaibigan na laging nandyan at maaasahan, ang kaibigan na makulit pero in a good way, at ang kaibigan na mapagmahal kaya kapag nakakilala na tayo ng taong ganito ay pahahalagahan natin sila. Maraming aral ang makukuha natin sa Naruto, dahil tulad sa mga pinakita niya na hindi niya hahayaan na may mangyaring masama sa mga kaibigan niya, at kahit tinraydor at kinakalaban na siya ng kaibigan niya dati na si Sasuke ay nandyan pa rin siya.
Si Uzumaki Naruto rin ay isa sa mga maaari nating maging inspirasyon kahit kathang isip lamang siya, ipinakita sa kuwento na kaya nating maabot ang ating pangarap kung gugustuhin natin. Dahil sabi nga nila, kapag gusto, maraming paraan. Katulad ni Naruto bago niya naabot ang pangarap niya na maging isang Hokage ay marami siyang pinagdaanan at katulad sa atin, bago makamit ang tagumpay, ang saya, marami tayong dadaanang pagsubok. Bawat pagsubok ay magsisilbing aral para sa atin at lahat ng pagsubok na ito ay kakayanin natin basta tayo ay magtiwala sa sarili at sa ating mahal na Panginoong Diyos. Ngayong siya ay naging Hokage na at may mapagmahal na pamilya, ang asawa niyang si Hinata, mga anak na si Boruto at Himawari, kay saya naman ng kuwento ng buhay ni Naruto.
Kung ‘di mo pa nababasa ang ending ng Naruto, huwag nang magpahuli at maaari nating mabasa ang Manga ng Naruto sa mangafox.me, mangapanda.com, at sa iba pang mga site na maaari nating puwedeng mabasa ang Naruto. Kaya lagi tayong magtiwala na kaya nating maabot ang ating mga pangarap, katulad ni Naruto.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo