Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!

HALOS SINUNDAN ng buong bayan ang bawat oras na lumilipas habang papalapit sa oras ng pagbitay sana kay Mary Jane Veloso. Ako man ay nakadama ng pangamba na baka maulit ang nangyari noon kay Flor Contemplacion na binitay sa kabila ng katotohanang siya ay biktima lang at walang kasalanan. Mataimtim na nagdasal sa kani-kanilang mga tahanan ang marami sa ating mga kababayan, samantalang ang iba naman ay dumagsa sa Baclaran at Quiapo para humingi ng milagro sa Diyos.

Sa huling pagkakataon ay kinausap din ni PNoy ang Pangulo ng Indonesia upang ilahad ang isang mungkahi na mas magbibigay ng benepisyo sa Pilipinas at Indonesia. Sinabi ni PNoy, base sa naging panayam sa kanya sa telebisyon, na ang kapalit ng pagpapatigil sa pagbitay kay Mary Jane ay mas makatutulong sa paghuli sa sindikato na nasa likod ng lumalalang kalakalan sa droga sa Indonesia at Pilipinas. Kung magiging state witness si Mary Jane ay mas may tiyansang mahuli at makasuhan ang drug syndicate sa likod nito.

Himala ring maituturing na nagawang sumuko ng illegal recruiter ni Mary Jane sa NBI sa araw mismo ng pagbitay sa kanya. Malaking bagay ang pagsukong ito dahil naging malinaw ang isang punto na biktima lamang si Mary Jane ng illegal recruitment at human trafficking. Ang mga kasong ito ay kinikilala bilang mga pangunahing sanhi ng human rights violation sa buong mundo. Kung hindi siya naloko ng illegal recruiter na ito ay hindi sana siya nagamit ng mga sindikato ng droga.

 

MASASABI KONG makapangyarihan talaga ang panalangin dahil maraming beses na rin akong naging saksi sa mga kayang gawin ng panalangin. May mga kaibigan din ako na nagbabahagi sa akin ng kanilang mga karanasan sa buhay kung saan iniligtas sila sa bingit ng kamatayan ng kanilang pagdalangin sa Diyos. Maging ang mga hiling sa mumunting bagay ay nadaraan din sa panalangin.

Isang himala ng panalangin inilalarawan ng Pamilya Veloso ang pagkakaligtas sa takdang pagbitay kay Mary Jane. Halos hindi rin makapaniwala ang ilan nating kababayan sa makapigil-hininga na pagkakabinbin ng pagbitay kay Mary Jane. Mala-pelikula nga raw kung ituring na sa huling saglit ay iniligtas si Mary Jane ng Diyos. Habang ang mga kasama sa grupo ng mga bibitayin ay isa-isang binaril, tanging si Mary Jane ang inalis sa hanay at tuluyan nang ibinalik sa kanyang selda.

Ang mga deboto sa Baclaran at Quiapo ay nagdiwang at nagpasalamat sa Diyos dahil sa ginawang pagligtas sa buhay ni Mary Jane. Marahil ay mas lumalim pa ang pananampalataya ng mga debotong ito dahil sa himalang ito. Nakapangingilabot ding isipin na bakit sa huling sandali ay nagbago ang isip ng pamahalaang Indonesia? Maaari namang isang araw bago ang pagbitay ay nakapagdesisyon na silang hindi muna ituloy dahil nauna nang nakipagpulong si PNoy sa pangulo ng Indonesia. Bakit din na sa araw mismo ng pagbitay ay naisipang sumuko ng illegal recruiter ni Mary Jane sa NBI?

MAINAM NA bigyang-pagkilala rin natin ang ibinigay na pansin at panahon ni PNoy para maisalba si Mary Jane. Sa kabila ng mga pagbatikos natin sa kawalang-pansin nila noon sa kasong ito at tila pagpapabaya nila, masasabing gumawa rin sila ng paraan bago pa mahuli ang lahat. Mahusay rin ang tila “never say die” motto ng Pangulong Aquino dahil pinilit niyang makausap sa kahuli-hulihang pagkakataon ang pangulo ng Indonesia. Ang lahat ng paggawa na ito, kalakip ang mataimtim na panalangin, ay masasabing nagresulta nang maganda at nailigtas si Mary Jane sa huli.

Mahalaga na mapagtanto natin na ang paggawa ay laging maging kaakibat ng ating panalangin. Hindi lamang tayo dapat nananalangin, bagkus ay sasamahan natin ito ng paggawa. Mas nakikita marahil ng Diyos ang ating puso sa ating panalangin dahil hindi lang natin ito iniisip, kundi ginagawa rin natin ito. Gayun din naman dapat sa ating paggawa ay lalakipan natin ito tuwina ng panalangin. Naniniwala akong mas huhusay at nagiging matagumpay ang anumang paggawa kung sasamahan ito lagi ng panalangin.

Ang pagiging maka-Diyos ay likas na sa ating mga Pilipino. Ang mga mayayamang tradisyon at bilang ng simbahan sa bansa ang nagpapatunay nito. Gayun din naman ang pagiging masipag. Ang pagdami ng mga OFW ay hindi lamang simbulo ng kahirapan sa Pilipinas, bagkus ay nagpapakita ito ng kasipagan ng mga Pilipino. Sa kabila ng mahirap na trabaho sa labas ng bansa natin at pagkakahiwalay sa kanilang mga pamilya ay pinipili pa rin ng maraming Pilipino na maging OFW dahil likas ang sipag at pagmamahal sa atin.    

ISANG TAGUMPAY para sa buong sambayanan ang pagpapaliban sa parusa kay Mary Jane. Umaasa tayong lahat na sa huli ay mapawawalang-sala siya dahil tunay namang biktima lamang si Mary Jane ng mga taong mapang-abuso sa kapwa. Biktima rin siya ng kahirapan at kamangmangan. Ito ang mga problema na dapat nating bigyang-pansin at hanapan ng solusyon. At sana ay walang ng susunod sa sinapit ng isang Flor Contemplacion.

Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.

Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Paanorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.

Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articlePasakit na Asawa
Next articleGerman Luis Fernando III: Usapang Alagad ng Sining

No posts to display