ANG ASAWA ko ay mag-iisang taon nang nagtatrabaho sa Saudi bilang isang construction worker. Isa siyang documented worker at legal naman ang agency na nagpaalis sa kanya. Ngunit nagrereklamo ang aking asawa dahil napakalayo ng kanyang tirahan sa kanyang pinagtatrabahuhan. Kailangan pa niyang maglakad ng mahigit isang oras para lang makarating sa construction site. Palagi rin daw atrasado ang pagpapasahod sa kanila. Madalas na sila ay nagtatrabaho hanggang alas 12 ng hatinggabi pero hindi raw sila binabayaran ng overtime pay. Pagdating sa pagkain, ang isinisilbi sa kanila ay palagi na lang dalawang itlog. Legal po ba ang ganitong pagtrato sa kanila? — Nemia ng Hagonoy, Bulacan.
KUNG ISA siyang documented worker, makikita nang asawa mo kung legal o illegal ang ganitong pagtrato kung babasahin niya ang mga nakalagay sa kanilang kontrata. Halimbawa, kailangang alamin niya kung ano ang probisyon para sa lodging o housing facility. Ito ba ay sagot ng employer? Lumalabas na walang malapit na housing facility sa construction site. Tungkol sa pagkain, may probisyon ba sa kontrata para rito?
Pagdating naman sa suweldo, malinaw na labag sa batas ang atrasadong pagpapasuweldo. Gayundin, may karapatan siyang tumanggap ng overtime pay. Ang mga ito kasi ay karapatan ng ating mga manggagawa, nakalagay man ang mga ito sa kontrata o hindi. Ang mga biyaya na tinatamo ng ating mga OFW ay hindi dapat mas bababa pa kaysa mga biyayang tinatanggap nila sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: omecandazo@yahoo.com.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo