MATAPOS ANG 60 taong paghihintay, nakamit din sa wakas ng National University Bulldogs Men’s Basketball team ang championship title sa katatapos lang na University Athletic Association of the Philippines Season 77 noong Miyerkules, Oktubre 15 sa Araneta Coliseum.
Ito ang kanilang ikalawang championship title sa kasaysayan ng UAAP Men’s Basketball. Ang una nilang titulo ay kanilang nakuha noong 1954 pa. Kalaban din nila rito ay ang Far Eastern University Tamaraws. Biruin mo, 60 taon silang nagsanay, lumaban at naghintay para maging kampeon muli.
Sa unang quarter ng laban, lumamang agad ang FEU Tamaraws. Pero hindi na ito pinahintulutan ng NU Bulldogs na magtuluy-tuloy pa kaya sa second quarter, naungusan na nila agad ito. Nang sumapit pa ang third quarter, sampung minuto rin na hindi naka-iskor ang Tamaraws sa mga Bulldogs kaya naman sa fourth quarter, nahirapan na ang Tamaraws na habulin ang malaking lamang ng Bulldogs kaya nagtapos ang laban sa iskor na 75-59, pabor sa NU na siyang naging hudyat ng kanilang pagiging UAAP Men’s Basketball Season 77 Champion.
Ang Finals Most Valuable Player ay si Alfred Aroga ng NU matapos maka-iskor ng 24 puntos samahan mo pa ng 18 rebounds habang ang point guard ng team na si Gelo Alolino ay nakapagbigay ng 12 na puntos. Siyempre nakapagdagdag din ng 10 puntos sina Glenn Khobuntin at J-Jay Alejandro.
Sa koponan naman ng FEU, nakaiskor din naman ng malalaking 23 na puntos si Mike Tolomia habang 17 puntos at 13 rebounds sina Mac Belo. Ngunit sila lamang ang players sa team na nakapagbigay ng double-digit points.
Malaki na nga ang in-improve ng NU Bulldogs. Kung maaalala n’yo, taong 2008 nang binili ng SM Group of Companies na pagmamayari ni Henry Sy ang National University. Bago ang namamahala kaya paniguradong maraming pagbabago. Sinimulan nilang pinahusay pa lalo ang pag-eensayo ng kanilang mag-aaral sa larangan ng sports. Isa rin ito sa kanilang pamamaraan para rin makahikayat ng mga kabataan na mag-aral sa National University. Makikita rin na talagang suportado ng administrasyon ang bawat estudyante. Kasama na riyan ang pagpapaganda ng pasilidad at kagamitan sa paaralan. Isa sila sa mga paaralan na may escalator, O, ‘di ba, saan ka pa? Pati ang kanilang manlalaro ay suportado rin. Kumpleto sa kagamitan pam-praktis, allowance at iba pa nilang pangangailangan. Kaya nga nauso ang biruang ‘iba talaga kapag may SM Advantage’.
Tulad nga ng kanta ni Daniel Padilla, talaga nga namang “Nasa N.U. na ang lahat.” Matapos makamit ang back-to-back championship title sa UAAP Cheerdance competition, ngayon naman UAAP Basketball Champion title holder na rin sila.
Nakatutuwa namang maging saksi sa tagumpay na nakamit ng NU. Kung dati sila ay tinatawag na N.U. Underdogs, ngayon ay N.U. Bulldogs na talaga.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo