MARAMING MAHAHALAGANG nasaklaw ang nagdaang SONA ni Pangulong P-Noy. Ngunit kapansin-kapansin na walang nabanggit tungkol sa mga OFW. Narito sana ang mga bagay na pakikinabangan ng mga OFW na dapat ay naisama sa kanyang SONA:
1. Ang reporma sa ating mga embahada, konsulada, POLO at welfare center. Panahon na marahil upang dagdagan natin ang mga tao natin sa mga tanggapan natin sa abroad. Sa ngayon, masyadong malaki ang agwat ng bilang ng mga Pinoy kaysa mga opisyales natin doon. Sa simula ay maaari nating i-reinforce ang mga opisina natin lalo na sa Gitnang Silangan na maraming kaso ng pang-aabuso. Marahil, maaari nating ilipat ang ilang tauhan ng DFA na nasa mga mauunlad na bansa tulad ng Amerika at Europa na ‘di naman gaanong nagkakaproblema ang mga OFW ‘di tulad sa Middle East.
2. Ang pagpapaigting ng training o pagsasanay ng mga tauhan natin sa ibang bansa. Sa ngayon, kapag tatanungin mo ang mga OFW, halos lahat ay negatibo ang sinasabi sa mga tauhan natin doon. Kaya’t liban sa pagdadagdag, dapat ay mapahusay ang pagsasanay sa mga opisyales natin tungkol sa pagtugon sa mga problema ng mga OFW, pagpapalalim ng kanilang malasakit at pagmamahal sa ating mga kababayan.
3. Pagpapabilis ng imbestigasyon at desisyon sa mga kaso ng mga tauhan nating sangkot sa mga iligal na gawain, pagmaltrato sa ating mga OFW o pagnenegosyo sa ibang bansa. Pangkaraniwan nang reklamo ng mga OFW na walang nakikinig sa mga ikinakaso nila sa mga POLO, consul at iba pa. At sa tagal ng proseso, nagkakalimutan na tuloy.
4. Pagiging simple ng pagri-release ng pondo para sa mga OFW lalo na ‘yung para sa mga livelihood, legal assistance, scholarship at insurance. Sa ngayon ay may mga umiiral nang ganitong mga programa. Ngunit mabusisi at matagal ma-release ang mga ito at dumadaan pa sa kalbaryo ang mga OFW bago maaprubahan ang kanilang application. Panahon na para i-simplify ang mga procedure at huwag itulad ang OWWA sa isang bangko o korporasyon.
Ang mga ito’y hindi naisama sana sa SONA ng Pangulo. Pero maaari pang ihabol ang mga ito sa pamamagitan ng mga batas o administrative orders.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo