NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Gusto ko lang pong humingi ng tulong sa inyo in behalf na rin po sa ibang mga asawa ng mga miyembro ng Philippine Marines na naka-assign sa Spratly Islands. Kasi po ay ang tagal nang hindi naibibigay ang mga hazard pay ng mga asawa namin. Matagal na nilang sinasabi na nasa Finance na raw po, pero mag-iisang taon na rin simula nang sila ay na-assign sa isla ay ni piso wala pang ibinigay. Sobrang hirap po ng mga asawa namin dati sa isla kasi wala pong signal at kung mayroon man ay sobrang mahal po ang nagagastos sa tuwing tatawag kami sa satellite phone. Ang isa pang ikinasasama ng loob namin ay kung bakit ang mga Navy na kasama ng mga mister namin doon ay nakatanggap na ng hazard pay nila na buo, samantalang sa Marines, ang iba, kung naka-tatlong buwan doon sa isla ay isang buwan lang ang ibinibigay nila. Sobrang unfair po kasi dahil pareho naman silang nagsasakripisyo roon. Sana po ay matulungan ninyo kami.
Isa po akong concerned citizen at sana po ay makalampag ninyo ang pamunuan ng Brgy. Lias, Northville 4B, Marilao, Bulacan na mapalagyan ng CCTV ang tabing ilog at sana ay maparondahan na rin ang nasabing lugar sa mga pulis dahil napakaraming drug addict pati magnanakaw na tumatambay sa lugar na iyon. Delikado po sa mga residente na nakatira sa malapit.
Patulong lang po dahil gusto kong ireklamo ang principal ng Loacan Elementary School sa Loacan, Itogon, Benguet dahil naniningil po sila ng PTA fee na P200.00.
Reklamo ko po ang isang talyer dito sa Brgy. Bangkulasi, Navotas kasi kawawa po ang mga estudyanteng nag-aaral sa Bangkulasi Elementary School dahil araw-araw ay maingay ang mga makinang ginagawa sa talyer. Hindi na makapag-aral nang mabuti ang mga bata dahil sa ingay galing sa talyer. Hindi naman po dahil public school ito ay wala na silang karapatang magreklamo. Pakitulungan po. Salamat.
Ang Burgos Elementary School po ay ipinapasa sa mga bata ang pagpapapintura ng classroom at pambili ng mga cleaning materials. Iyong mga kinder nga raw po ay obligadong bumili ng libro na worth P650.00.
Isusumbong ko lang po ang tungkol sa hinihinging P150.00 sa mga estudyante ng Sto. Tomas Elementary School sa Peñaranda, Nueva Ecija para pambili raw ng electric fan sa classroom.
Sana po ay maaksyunan ninyo itong problema ng mga magulang dito sa Quatis Masiga Elementary School dahil naniningil sila ng bayad sa tubig at kuryente pati na rin para sa test paper sa bawat estudyante.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00 nn.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo