KAPAG SINABING Friendster, ano nga ba ang mga naaalala n’yo? Panigurado, marami ‘yan. Isa-isahin natin. Kinagiliwan ang Friendster dahil ito ay isang klase ng social media site na puwede mong i-personalize. May mga websites kung saan puwede kang kumuha ng background na ayon sa trip mo. Kahit pagdating sa usaping font style at font size puwede ring masunod ang gusto mo.
Kung gusto mo namang wala talagang kagaya ang Friendster profile mo, puwede rin na ikaw mismo ang gagawa basta may kaalaman ka lang sa HTML. Uso rin sa Friendster ‘yung pagdating mo sa profile ng kaibigan mo, isang background music agad ang bubungad sa inyo. Nakaka-miss din ‘yung mga panahon na ikaw ay nananabik tingnan ang Friendster mo para i-check sa Who’s Viewed Me tab kung naroon ba ang crush mo.
Trending din noon ang paramihan ng testimonial o ‘yung mga posts ng kaibigan sa Friendster profile mo. Aminin n’yo minsan na rin kayong nagbigay ng testi na may nilalaman na “Paadaan po”. Kapag nabigyan naman kayo ng ganitong testi, aba sasagutin n’yo naman ng “thanks for the drop by”. Nakakatawa ba? Huwag nang magkaila kasi totoo naman.
Hot issue din sa klase sa tuwing naiiba ang pagkakasunud-sunod sa iyong Featured Friends. Kung minsan, doon kasi nalalaman kung ano ba ang iskor sa iyo ng tao. Kapag siya ang una sa iyong Featured Friends, ibig sabihin lang niyan na siya ang pinakamahalaga sa iyo.
Sa Friendster profile, hindi rin p’wedeng mawala sa description mo ang “simple, fun and jolly”. Hindi rin makukumpleto ang Friendster photo albums mo kung wala kang “Me, Myself and I” album. Minsan na rin nga tayong nahumaling sa Friendster. Nakami-miss din pala lalo na ang smiley face pagtapos ng linyang Friendster sa logo. Paglipas ng maraming taon, nasaan na nga ba ang Friendster?
Taong 2011 nang i-relaunch ang Friendster bilang isang social gaming site. Ito na ngayon ay nakabase sa Kuala Lumpur, Malaysia. Bali-balita rin noon ang pagbagsak ng Friendster bilang isang social networking site. Ito rin ay dahil sa pagdating ng Facebook.
Noong 2008, nagkaroon ng exponential decline ang Friendster, mula sa ranking na 40, bumaba ito nang husto sa rank na 800 noong Nobyembre ng taong 2010. Taong 2009 naman nang ibalita na ang Friendtser ay binili na ng MOL Global sa halagang 26.4 million dollars. Ang MOL Global na ito ay isa sa pinakamalaking internet companies sa Asya. Ito rin ay pinopondohan ng mga matatagumpay na Malaysian businessman tulad ni Chairman Tan Sri Vincent Tan. Marami mang kabataan ang lumipat sa Facebook na hanggang ngayon ay patuloy pa ring namamayagpag sa mundo ng social media, dumami rin naman ang registered users o gamers ng Friendster. Sa katunayan nga sa unang taon pa lang ng Friendster bilang isang gaming site, pumatak agad sa 115 million ang bilang ng registered users nito. Kaya naroon pa rin ang “sparks” ng Friendster sa mga bagets.
Hindi rin siguro natin puwedeng sabihin na natalo ng Facebook ang Friendster. Dahil marami pa ring kaganapan sa ating buhay lalo na ng mga bagets ang Tatak Friendster na hindi basta-basta makakalimutan. Siguro, talaga ngang “pana-panahon lang ‘yan.”
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo