NAAALALA N’YO pa ba ang pagkaka-relieve kay Police Chief Superintendent Elmer Sonia? Siya ang noo’y Eastern Visayas Police Director na tinanggal sa posisyon dahil sa “maling” pag-estimate sa bilang ng mga namatay sa Super Typhoon Yolanda. Ayon kasi kay Sonia ay aabot sa 10,000 ang mga nasawi sa bagyo na salungat sa estimate na pilit na ipinalalabas ng gobyerno na 2,500 lang daw ang namatay.
Pagkalipas ng ilang buwan mula sa trahedyang dala ng bagyong Yolanda, lumabas na malayo at maling-mali ang estimate ng gobyerno at mas malapit nang ‘di hamak sa tamang bilang ang estimate ni Sonia. Ngunit ano ang ginawa ng gobyerno rito? Wala kundi nanahimik lamang.
PARANG NAKAKAKITA ako ng isang “pattern” sa kung paano tayo pinamumunuan ng ating pamahalaang may “tuwid na daan”. Dahil dito, isang palpak at incompetent na gobyerno tuloy ang nakikita ko.
Sa artikulong ito, dalawang kuwento ng kawalan ng katarungan ang tatalakayin ng inyong lingkod.
Ang dalawang kasong ito ang magpapatunay ng aking pananaw sa mahinang pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon, lalo na sa isyu ng kawalan ng katarungan sa mga biktima ng bulok na sistemang umiiral.
ANG UNA ay ang tungkol sa biglaang pagkaka-relieve kay Police Senior Superintendent Conrad Capa mula sa pagiging head ng Task Force Tugis, matapos lang ang pagkakadakip ng team ni Capa kay Delfin Lee.
Ano ba ang misteryo sa likod ng pag-alis kay Capa sa Task Force Tugis?
Ang pananaw ng admisnistrasyong Aquino sa isyung ito, ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ay isang “promotion” at hindi “demotion” gaya ng reklamo ni Capa. Ang paglipat umano sa kanya sa Cebu bilang Deputy Regional Director for Operations ng Region 7 ay isang hakbang papalapit sa pagiging one-star General o Chief Superintendent.
Ipinaliwanag din ni PNP Chief Director General Alan Purisima na ito ay isang “reward”. Ang paglagay umano kay Capa sa Cebu ay upang mag-qualify siya bilang Executive Officer at maging Deputy Regional Director for Administration. Ito umano ay isang hakbang papalapit sa pagiging isang Police Chief Superintendent.
SA KABILA ng mga sinabing ito ng pamahalaan ay hindi naman tayo dapat basta-bastang maniwala sa mga sinabi nila nang hindi sinusuri nang mabuti ang mga bagay-bagay. Kailangan din nating gamitin ang ating common sense para ‘di basta mapaniwala sa mga pambobolang ipinapahayag ng pamahalaan.
Isang paghahalintulad na lang sa nangyari kay Capa, halimbawa, kung ang isang kumpanya ay may hinaharap na isang problema at isang empleyado nito ang nakapagbigay ng solusyon sa problema nila. Dapat bang ilipat nila nang basta-basta ang empleyadong ito sa ibang sangay ng kumpanya dahil magaling siya? Hindi ba dapat ay manatili siya sa kanyang puwesto upang lalong matugunan ang problemang hinaharap nila?
Hindi ba dapat ay manatili si Capa sa kanyang puwesto dahil mas kailangan ang kanyang husay sa Task Force Tugis para mahuli pa ang maraming malalaking taong nahaharap sa seryosong kasong kriminal?
Pangalawa, ano ba ang mas mahalaga sa bayan? Ang promotion ng isang opisyal o ang kapakanan ng buong sambayanang Pilipino?
Talaga bang ang gawi ng gobyerno natin ay pigilan ang mga taong nagsasabi ng totoo at gumagawa ng tama gaya nina Sonia at Capa? O baka talagang may kabulukang nagaganap at pilit itinatago sa mga mapanlinlang nilang estilo.
ANG PANGALAWANG kaso naman ay tungkol sa kawawang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na tinanggal sa paaralan dahil umano sa pagsisinungaling. Si Cadet Aldrin Jeff Cudia ay tuluyan ng hindi nakasama sa graduation ng PMA sa kabila ng pagpapahayag ng Commision on Human Rights (CHR) na pinagkaitan si Jeff ng isang patas na due process sa pagdinig ng kanyang kaso.
Ayon sa abogadong si Harold Kub-aron ng CHR-Cordillera Administrative Region, ay hindi umano sinunod ng Honor Committee ang kanilang sariling proseso sa tamang pagdinig sa kaso. Nalaman din nilang may nangyaring pag-pressure sa isang kadeteng bahagi ng Honor Committee para palitan nito ang kanyang boto mula sa “not guilty” to “guilty.” Ang ilang pahina rin umano ng “minutes of the meeting” ay nawawala.
Dahil dito ay inirekomenda ng CHR na baguhin ang desisyon ng Honor Committee na “guilty” at ipinadala agad ito kay Pangulong Aquino sa pamamagitan ng email. Sinabi ni CHR Chairman Loretta Ann Rosales na hindi kinilala at “grossly violated” ang karapatan ni Cudia sa edukasyon.
SA NAPAKALUNGKOT na katotohanan ay muli na namang nagbingi-bingihan ang ating pamahalaan sa kawalang katarungang ito na nagaganap mismo sa “tuwid na daan” na ipinangako ni PNoy.
Ang kawalan ng katarungang ito sa landas na gustong tahakin ni Cudia ay sadyang nakagagalit at nakasasawa na. Tila ang ating pamahalaan ay lagi na lang bingi sa mga ganitong isyu ng kakulangan sa katarungan.
Wala na namang ginawa ang ating Pangulo. Ang “honor code” ng PMA ay hindi kailanman mas mataas sa Saligang Batas ng ating bansa na nilabag ng pamunuan mismo ng PMA sa pagkakait ng edukasyon na dapat ay napagtagumpayan ng kawawang si Cudia.
Ang ating pamahalaan ay tila inutil sa isyung ito. Sa kasamaang palad ay nagtitiis tayo sa isang pamahalaan na walang kakayahang mamuno nang tama at matuwid.
Sa dalawang taong nalalabi ng administrasyong ito ay tila wala na tayong pupuntahan kundi sa isa na namang kabanata ng kabiguan kung saan mas dumami ang mahihirap sa bansa at nadaragdagan ang bilang ng mga biktima na walang nakakamit na katarungan.
Saan na nga ba napunta ang “tuwid na daan?”
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo