NASAAN NA ba talaga si Rajiv Ramesh Dargani, ang presidente ng Sunglass Hut Philippines at ng Federation of Indian Chambers of Commerce?
Ayon sa mga press release ng Philippine National Police, si Dargani ay pinaghahanap pa rin nila matapos itong masangkot sa isang hit-and-run incident sa McKinley Road, sa Makati City na siyang ikinamatay ng motoristang si Henrix Bernardo.
Ayon naman sa mga press release ng Bureau of Immigration (BI), bagama’t inaantabayanan pa nila ang hold departure order na manggagaling sa korte para kay Dargani, inilagay na nila ang pangalan nito sa look-out bulletin ng BI.
Pati ang Land Transportation Office (LTO) ay nagpalabas na rin ng kanilang press release tungkol dito. Sinabi ng LTO na papatawan daw nila ng parusang administratibo ang karapatang makapagmaneho ni Dargani.
Ang Barangay Bureau (BB) na lang yata ang kulang dito. Kapag nagpalabas ng press release ang BB, ang malamang na sasabihin nito ay ipatatawag nila si Dargani para pag-ayusin siya sa mga taga-PNP, BI at LTO. Tapos na ang buto-buto, sabi pa nga ng aking dating barbero.
BAKIT NGA ba lumulundag ang mga taong gobyerno – na parang may mga kiti-kiti sa puwet – kapag may nasasangkot na mga mayayamang negosyante sa isang aksidente lalo pa kung ang mga ito ay mga matatakuting Chinese galing sa Mainland China o Indian National?
Ang Sunglass Hut Philippines na pag-aari ni Dargani ay exclusive distributor ng mga high-end o mamahaling eyewear. Ang minamaneho ni Dargani nang mabundol niya ang motorsiklong sakay ni Bernardo ay Porsche Carrera, isang high-end exotic sports car.
Ang unang tanong, matapos matuntun ng PNP ang Porsche ni Dargani sa bahay nito sa Dasmariñas Village, bakit hindi nila ito in-impound?
Pangalawa, sa sinasabi ng PNP na wala na raw sa bahay niya si Dargani at hindi na nila mahanap sapagkat ito’y nagtatago na, bakit hindi nila siya pinupuntahan sa kanyang opisina sa Sunglass Hut Philippines sa Estrella Street, San Antonio Village, Makati City na ayon sa aking source na isang trabahador doon ay naroroon lang palagi umano si Dargani?
Pangatlo, sa sinasabi ng LTO na papatawan nila ng parusang administratibo si Dargani, bakit hindi muna nila unahing patawan ng parusa ang kanilang mga tauhan sa LTO na nag-isyu ng driver’s license kay Dargani nang walang litrato?
At pang-apat, sa sinasabi ng BI na ilalagay nila ang pa-ngalan ni Dargani sa kanilang look-out bulletin, bakit ‘di muna unahin ng BI na ilagay sa kanilang look-out bulletin ang mga tauhan nila na nakikitang nagbi-VIP escort kay Dargani sa airport sa tuwing umaalis at dumarating ito ng bansa?
HINDI KO na mabilang ang mga sumbong na hit-and-run na natanggap ng aking programa sa Wanted Sa Radyo at pahirapan kaming makakuha ng atensyon ng mga kinauukulan para tugisin ang salarin.
Simple lamang ang sagot – dahil ang salarin ay isang pangkaraniwang tao at wala silang mapapala dahil hindi masalapi ‘di tulad ni Dargani. Kaya ang nangyayari ay tameme na lamang sila.
Pero kapag masalapi ang nasasangkot, maaasahan ang kanilang mga pag-iingay dahil ito ay isang uri ng pagpapakilala na doble ang magiging resulta kung saka-sakali. Una, nakikilala sila dahil sa kanilang pag-iingay bilang mga gumagawa ng trabaho. At pangalawa, dahil sila’y nakilala na, sila’y kusang lalapitan na ng taong pinaghahanap nila para “magpapakilala” rin sa kanila.
Ang inyong lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0908-87TULFO at 0917-7WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo