MARAMI ANG NAALIW at naengganyong tutukan si Robin Padilla sa pagpasok niya bilang pansamantalang host ng Wowowee for two weeks. Bukod sa sobrang nakae-entertain na pagkanta-kanta at pagsayaw-sayaw ni Robin, nakatutuwa ring mapanood na kinikilig sa kaguwapuhan niya ang mga female co-hosts niya sa show at maging ‘yong mga babaeng contestants at ang mga nasa audience din.
Cute din at nakakililig panoorin na parang nagkaroon ng instant loveteam sila ni Mariel Rodriguez. Tapos may umeeksena pang gustong maki-love triangle na si Pokwang.
“Hindi po. Ang lahat po ng iyan ay siyempre… kasama po sa saya rito sa Wowowee,” reaksiyon ni Robin nang matanong namin. “Wala po iyang halong malisya. Nandito po tayo sa Wowowee para magsaya.
“Si Poks, hindi siya nahihiya sa akin. Si Mariel naiilang pa, eh. Hindi ko alam kung ano ba ang dating ko sa kanya. Kung Kuya ba niya o tatay niya?”
Biro pa namin sa action star, mukhang nadadarang na si Mariel sa kanya?
“Ah, gano’n? Ako rin naman, nadadarang na, eh. Ha-ha-ha!”
Dahil nga parang magka-love triangle sila, meron na ngang bansag kaming naririnig. May Poknoi (Pokwang-Binoi), may Manoi (Mariel-Binoi), at meron ding Maropok (Mariel-Robin-Pokwang).
“Okey ‘yon, ah!” Natatawang reaksiyon ni Robin. “Talagang nakatutuwa po. Pinaka-okey sa akin ‘yong Maropok (Mariel-Robin-Pokwang). Ha-ha-ha!
“Seryoso na ba ‘yang love triangle namin? Kasi ang sa akin lang, ano lang iyan, eh, kami po’y nagiging masaya lamang dito sa Wowowee. At unang-una, wala po tayong gustong masaktan.
“Alam naman po nating pareho silang merong mga minamahal. Si Poks at si Mariel, pareho silang may mga iniibig. Ay, ako po’y… kung ‘yong mga ganyang tsismis ay umiinit na talaga, eh humihingi po tayo ng dispensa sa kanilang mga minamahal.
“Ano lang po ito, goodtime lang. Goodtime lang talaga tayo. Para maging masaya.”
Last day na niya sa Friday sa Wowowee. Kasi two weeks nga lang ang pinag-usapan nila ng ABS-CBN na pansamantalang paghu-host niya ng show. Anong pakiramdam niya?
“Malungkot din. Ano na kasi, naiba na ‘yong buhay ko, eh. Kasi nitong mga nakaraang araw, hindi na martial arts ang nai-ensayo ko. Kanta na. Tapos ‘yong mga pinapanood kong mga DVD, nawala na ‘yon. Ang ginagawa ko ngayon, eh puro DVD na ng pagkanta at pagsayaw. Iba po talaga ang buhay ko rito sa Wowowee.
“Pero, alam naman po nating hindi po tayo ang sa Wowowee. Tayo po, eh nahingan lamang po ng saklolo ng ABS. At bilang Kapamilya, tayo po ay kaagad na… alam naman po nating para sa tao ito, eh. At ang akin lamang pong maibabahagi sa lahat ay sana po’y magpatuloy ang Wowowee.
“Napakarami pong natutulungan nito. Napakaraming napasasaya. Huwag po nating hayaan na tayo po ay malungkot.”
As of this writing, nakapag-usap na ang pamunuan ng Dos at si Willie hinggil sa sulat ng huli na humihiling na payagan na siyang iwan ang Wowowee at umalis na nga ito sa Kapamilya Network. Pero wala pang anumang inilalabas ang ABS-CBN tungkol dito.
Marami ang nagri-request na sana raw ay maging permanente na si Robin sa show. Marami na ang mas gusto siyang host kesa kay Willie.
“Thankful ako, kapatid. Nakatataba ng puso ‘yong ganyan. Titingnan po natin kung ano ang susunod na mangyayari. Basta po ang aking priority nang ako ay sumalang sa Wowowee ay magkaayos sina Jobert (Sucaldito) at si Ka Willie.
“Iyon po ang aking pinapangarap. Na hanggang sa mga oras na ito, sana po bago ako matapos sa Biyernes ay hawak ko na ang balikat no’ng dalawa. Iyon lang po ang pangarap ko. Kasi kung sa Abu Sayaff nga at ang military, ginagawa ko ‘yon, eh. So sana magkaayos sila,” ending na pahayag ni Robin.
ONGOING NGAYON ANG search para sa bagong miyembro ng Sexbomb dancers. Dinumog nga ang katatapos na isinagawang audition sa SM Batangas City last May 23. At bakit nga hindi dadagsain, eh bukod sa tsansang maging bagong miyembro ng sikat na all-female sing and dance group, ang mapipili ay mananalo pa ng half a million pesos!
Sa mga interesado, the next auditions will be held on May 29 and June 1 at SM Bacoor, then June 27 and 29 sa SM Tarlac. Other audition dates and venues will soon be announced sa pagpapatuloy nito.
The said search is open to all girls 15 to 18 years old na may talent sa pagkanta at pagsayaw. Magdala lang ng birth certificate, pictures na close-up and whole body, at kung under age ay isama ang mga magulang.
Alam n’yo na?
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan