KASABAY NG paglu-launch sa Kapamilya teen heartthrob na si Nash Aguas sa teleseryeng Bagito na napapanood sa ABS-CBN bago mag-TV Patrol, ini-launch na rin ng Star Records ang kauna-unahang self-titled album ng Gimme 5, kung saan front runner din si Nash.
Ang album ng Gimme 5 na kinabibilangan din nina Joaquin Reyes, John Bermundo, Grae Fernandez at Brace Arquiza ay certified pampakilig at maagang Pamasko ng grupo sa kanilang fans.
Tampok sa tracklist ng all-original, pop-rock album ng Gimme 5 ang mga kantang ‘Pag Kasama Ka, Aking Prinsesa, Hey Girl, Growing Up, Ikaw Na Na Na Na at ang carrier single nilang Hatid Sundo. Bahagi rin ng album ang minus one version ng lahat ng kanta.
Dalawa sa members ng Gimme 5 ay anak ng artista. Sila ay sina Joaquin Reyes na anak ni Sherilyn Reyes at Grae Fernandez na anak naman ng aktor na si Mark Anthony Fernandez. Si Nash naman ay halos 10 years nang nag-aartista. Produkto siya ng artista search ng ABS-CBN na Star Circle Kid Quest.
Ngayong ini-launch na si Nash into full stardom sa pamamagitan ng Bagito, hindi naman daw nai-insecure ang apat na ka-member niya sa Gimme 5 sa kanya. “Kasama naman po kami sa Bagito at sa Gimme 5, grupo kami kaya happy kaming sa achievement ni Nash,” sabi pa ng mga bagets.
Mabibili na ang Gimme 5 album sa record bars nationwide at sa online music stores tulad ng iTunes, Mymusicstore.com.ph at Starmusic.ph.
La Boka
by Leo Bukas