HATAW NGAYON ang showbiz career ni DJ Durano, may teleseryeng Kahit Puso’y Masugatan ng box-office director Wenn Deramas ng Kapamilya Network. May pelikulang Sister Rocka with Kris Aquino at Vice-Ganda (filmfest entry), Praybeyt Benjamin 2, Moron 5 Part 2, Boy, Bakla, Tomboy ni John Lapus. Isama pa natin ang line-up project ni DJ with Maricel Soriano (Viva Films) at John Lloyd Cruz and Eugene Domingo under Star Cinema.
Bukod sa soap, ginagawa rin ni DJ ang pelikulang This Guy’s In Love With You, Mare with Toni Gonzaga, Luis Manzano and Vice-Ganda. Malayo na nga ang narating niya bilang actor. Nagampanan nang buong husay ang bawat character na ibinibigay sa kanya. Kahit puro supporting role ang madalas gampanan ng actor, kapansin-pansin ang galing nito sa pag-arte.
“Pagdating sa trabaho, pinag-huhusayan ko. Binabasa kong maigi ang script, pinag-aaralan ko ang character na dapat kong gampanan sa bawa’t teleserye o pelikulang ginagawa ko. Gusto ko, pagdating sa set, ready na ako for take. Tulad nitong ‘Kahit Puso’y Masugatan’, excited ako dahil for the the first time, ang role ko rito mabait. Masarap paminsan-minsan kasi, sumusuporta ako sa magagaling nating actresses tulad nina Iza Calzado at Jaclyn Jose,” sambit niya.
Masaya si DJ sa takbo ng kanyang career, hindi nababakante, tuluy-tuloy ang projects at puro markado ang mga papel na kanyang ginagampanan.
“‘Yun ang gusto ko, steady, regular ‘yung show at nakaka-challenge ang bawat role na ginagampanan ko,” tugon ng magaling na actor.
Tipong para yatang walang challenge ‘yung role ni DJ bilang goody-goody sa bago niyang teleserye. Halos lahat ng papel na ginagampanan niya sa TV at pelikula, puro kontrabida na nagmamarka sa manonood, bakit nga ba? “Maiba naman sa mga role na nagampanan ko na. May twist ‘yung character ko, iba ‘yung atake ko rito. Ang role ko, pulis na matulis ng Maynila. Masarap kaeksena si Jaclyn Jose, mapapasabay ka sa husay niyang umarte. Masyadong intense ‘yung mga nakaraang soap ko, salbahe. Kapag nakikita nga ako ng mga tao, sinasabi sa akin, ‘yan ‘yung kontrabida sa ‘Mula Sa Puso’. Nakakatuwa dahil nagmamarka sa isipan nila ‘yung character ko. Ibig sabihin, effective ‘yung performance ko as an actor,” masayang sabi ni DJ.
‘Yun bang pagbabagong image sa character na ginagampanan ngayon ni DJ ay may kinalaman sa pagpasok niya sa pulitika? “In time, gusto ko talaga ‘yun. Sa akin, sa status ng career ko, nakuha ko na ‘yung gusto kong roles. Okay na ako, pagbibida, sustain ko na lang ‘yung pangalan ko. Nakikita na sa TV, nari-recognize na ako ng mga tao, hanggang doon na lang muna ako. Kasi, wala na siguro akong dapat i-prove sa TV, ganu’n lang. Sa movies, okay na ako, kung anuman, mayroon d’yan support-support na lang …” say niya.
Kung sakaling gagawa ng indie film si DJ, sisigurihin niyang naiiba ito sa mga characters na ginampanan niya. If ever, may mga intimate love scene willing ba naman ang actor? “Kapag may magandang offer, why not? Gusto ko namang maiba na ‘yung roles ko, ayaw ko na sa pa-hunk, tapos na ako du’n. Nagpakita na ako ng katawan sa pelikula, pa abs-abs na ako. Gusto ko lang maging important actor ‘yung puwedeng maging leadingman na nangyayari naman. Kaila-ngan ko lang siguro, serious role para ma-recognize sa industriya. ‘Yung bang, ‘na-nominate si DJ, iba na siya’, ‘yun ang hinihintay ko. ‘Yung bang parang Julio Diaz, Allan Paule na ang dating mo, ganu’n na dapat. Kasi, nasa mainstream na ako, na-achieve ko na ‘yun. Kung masusubaybayan mo ‘yung role ko sa Kahit Puso’y Masugatan ‘yun ‘yung tinatahak kong landas. Isa lang, seryosong role, kahit nga si Papa P. (Piolo Pascual) hindi puwedeng bumaba sa mainstream kahit gumawa na rin siya ng indie film,” pahayag ni DJ Durano.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield