KUNG ANG pagbabasehan ay ang ulat sa isang pahayagan noong Sabado na inabsuwelto ng Pasay Prosecutor’s Office ang kaso na isinampa ng Pasay Police laban kay Jerry Sy – isang Hong Kong National, na pinaghihinalaang isang assasin, maliwanag na naareglo ang piskal na humawak sa kaso.
Matatandaan na pumutok sa media ang pagkakaaresto kay Sy noong December 26, 2013 sa may parking area ng Resorts World matapos nitong makaalitan at tangkaing saksakin ang isang ahente ng nasabing casino.
Nang maaresto si Sy ng mga rumespondeng pulis, bumulaga sa kanila ang iba’t ibang klaseng baril, kasama na rito ang ilang matataas na kalibre pati na ang mga silencer nito, sa kotseng minamaneho ni Sy. Natagpuan din sa sasakyan ni Sy ang ilang fragmentation and smoke grenades, iba’t ibang klaseng kutsilyo’t ilang palakol at mga pekeng dokumento.
Pero sa kabila ng sandamakmak ng mga matitibay na ebidensyang ito na iprinisinta ng mga pulis sa korte, ayon sa ulat, inutusan pa rin daw ng piskal na pakawalan si Sy at tuluyang ibinasura ang kaso laban sa kanya.
ANG IBINIGAY raw na dahilan ng piskalya sa pag-aabsuwelto kay Sy sa kasong illegal possession of guns, ammunition and explosives ay dahil wala raw iprinisintang dokumento sa korte ang mga pulis mula sa Firearms and Explosives Division (FED) patukoy sa mga armas nang iharap nila si Sy sa inquest proceeding. Ang gustong palabasin siguro ni piskal na baka may lisensya ang mga armas na nakumpiska kay Sy.
Tsk…tsk…tsk… Anong klaseng kapulpulan ito? Alam naman ng sambayanang Pilipino – maging siguro ng isang kindergarten na hindi puwedeng mabigyan ng PNP ng lisensya para magmay-ari ng baril ang isang banyaga, lalo pa kung ang pag-uusapan ay granada.
At mas lalong hindi magbibigay ng lisensya ang FED para sa mga silencer dahil ito ay ginagamit lamang ng mga terorista at assasin.
NANG MAARESTO si Sy, ang unang pumasok agad sa isipan ng marami ay maaaring siya ay “enforcer” ng isang malaking sindikato ng mga financier sa casino. Siya ang tinatawagan ng sindikato kapag may mga kliyente ito na nagkautang sa grupo at hindi nakapagbayad.
Ayon kasi sa mga naunang ulat, ang nakaalitan ni Sy na isang Joseph Ang ay ahente sa casino na naghahanap ng mga casino player na gustong umutang sa mga financier. At nang hindi makapagbayad ang mga kliyente ni Ang sa mga inutang nito sa sindikato na kanyang ginarantiya, tinawagan ng grupo si Sy.
Ngayon ang tanong, bakit nga ba talaga inabsuwelto si Sy? Ang sagot ay mas madali pa kaysa sa 1+1. Una, ang sindikato na kinasasapian ni Sy ay malaking grupo ng foreign Chinese financiers na nagpapaluwal at nagpapautang ng daan-daang milyong piso kada gabi sa casino.
At pangalawa, gagastos sila kahit magkano huwag lang mabulgar ang kanilang operasyon. Dahil kapag natuluyang makasuhan si Sy, sapilitang mailalantad ang kanilang mga iligal na gawain sa paglilitis sa kaso.
Kaya ang tanong talaga dapat ay, ilang pirasong pilak ba ang naging kapalit sa pagbenta sa mga banyagang sindikatong financier sa ating hustisya?
ANG MGA sindikatong financier o loan sharks ay lantarang pinapayagan ng mga casino na mag-operate sa kanilang gaming areas dahil malaking porsyento ng revenue ng isang casino ay nanggagaling sa mga kliyente nila.
Sa madaling salita, kung tutuusin, malaki ang naitutulong nila sa mga casino sapagkat marami sa mga high roller ay suki nila na siyang bumubuhay sa isang casino. At alam naman natin na ang mga casino tulad ng Resorts World ay nagbabayad ng franchise fee sa PAGCOR at buwis sa BIR.
Ibig sabihin, ang mga casinong tulad nito ay nakapagge-generate ng revenue para sa PAGCOR at BIR. At ilang bahagi nito ay mula sa perang ipinautang ng mga financier sa kanilang mga player.
Ang malaking tanong ngayon, nagbabayad naman kaya ng income tax sa BIR ang sindikato ng loan sharks tulad na lang sa sindikato na kinasasapian ni Sy? Siyempre hindi, kaya nga tinawag na sindikato, eh!
Shooting Range
Raffy Tulfo