Dear Atty. Acosta,
NAGKAROON AKO ng boyfriend nang mahabang panahon. Nagsama kami at nagkaroon ng isang anak. Nakapirma siya sa birth certificate ng bata subalit hindi ginamit ng bata ang kanyang apelyido. Matagal na kaming hiwalay ng tatay ng anak ko, pero hindi naman siya nakalilimot na magbigay ng sustento sa kanya. Isang araw, dumalaw siya sa anak niya at sinabi sa akin na gusto niyang ipagamit sa anak namin ang kanyang apelyido. P’wede po ba ito? Kung sakaling gamitin ng bata ang kanyang apelyido, makukuha ba niya ang bata sa akin?
Berna
Dear Berna,
ANG APELYIDO ng ina ang gagamitin ng isang bata kung ang kanyang mga magulang ay hindi kasal. Ito ang itinatadhana ng batas. Ganun pa man, kung siya ay kinilala ng kanyang ama, maaari niyang gamitin ang apelyido nito. Ito ay sang-ayon sa Article 176 ng ating Family Code as amended by Republic Act (R.A.) No. 9255 na nagsasaad ng mga sumusunod:
“Article 176. Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code. However, illegitimate children may use the surname of their father if their filiation has been expressly recognized by the father through the record of birth appearing in the civil register, or when an admission in a public document or private handwritten instrument is made by the father. Provided, the father has the right to institute an action before the regular courts to prove non-filiation during his lifetime. The legitime of each illegitimate child shall consist of one-half of the legitime of a legitimate child.”
Malinaw na maaaring gamitin ng iyong anak ang apelyido ng kanyang ama dahil siya ay kinilala nito. Mayroon lamang dapat gawin para maisakatuparan ito. Kailangan lamang magsagawa ng isang “Affidavit to Use the Surname of the Father (AUSF)” at ito ay isusumite o ibibigay sa tanggapan ng local civil registrar kung saan nakarehistro ang birth certificate ng bata (Rule 7.2.1, Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 9255).
Kaugnay naman sa ikalawa mong katanungan, ang “parental authority” mo sa bata ay hindi nawawala dahil lamang ginamit nito ang apelyido ng kanyang ama. Ang parental authority ay tumutukoy sa likas na karapatan at obligasyon ng mga magulang na alagaan at palakihin ang kanilang mga anak. Mananatili ito sa iyo, kung kaya ang kustodiya ng bata ay mananatiling sa iyo.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta