Dear Atty. Acosta,
MAY TANONG AKO sa inyo tungkol sa naging SSS pension ng mga kapatid ko na natigil na rin po noong umabot na sila sa edad na 21 noong 2006. Nag-file po ang nanay ko ng petisyon na maipagpatuloy sa kanya ang pension ng mga kapatid ko dahil kasal naman po siya sa tatay ko kahit nahiwalay sila mula noong mga bata pa kami at nagkaroon ng bagong kinakasama ang nanay ko. Tama po ba ang SSS sa pag-deny nila sa petisyon ng nanay ko gayong kasal naman po siya sa tatay ko? Isa pa po, namatay naman na po ang kinakasama ng nanay ko noong 1999 pa na mas nauna pa po sa tatay ko na namatay noong 2000. May basehan po ba ang SSS sa pag-deny sa petisyon ng nanay ko dahilan sa nagkaroon siya ng kinakasama noon?
Leony
Dear Leony,
BATAY SA SINABI mong nagkaroon ng ibang kinakasama ang iyong ina, ang pagtanggi ng SSS na bigyan ng pension ang iyong ina sa kabila nang siya naman ang legal na asawa ng iyong ama ay tama at naayon sa batas. Ito ay sapagkat sila ay matagal nang hiwalay noong namatay ang iyong ama at mayroong kinasamang lalaki ang iyong ina habang nabubuhay pa ang iyong ama. Ang sinasaad ng batas patungkol sa kung sino ang may karapatang tumanggap ng benipisyo mula sa SSS ay nasusulat sa Section 8(k) ng R.A. 8282 o mas kilala bilang “Social Security Act of 1997”, ito ay ang mga sumusunod:
“Beneficiaries – The dependent spouse until he or she remarries, the dependent legitimate, legitimated or legally adopted, and illegitimate children, who shall be the primary beneficiaries, of the member: Provided, That the dependent illegitimate children shall be entitled to fifty percent (50%) of the share of the legitimate, legitimated or legally adopted children: Provided, further, That in the absence of the dependent legitimate, legitimated or legally adopted children, his/her dependent illegitimate children shall be entitled to one hundred percent (100%) of the benefits. In their absence, the dependent parents who shall be the secondary beneficiaries of the member. In the absence of all of the foregoing, any other person designated by the members of his/her secondary beneficiary.”
Ayon sa nasabing batas, ang asawang nabanggit ay dapat na naka-depende sa asawang miyembro para sa suporta, maging pinansyal man o ibang anyo ng suporta, upang mabuhay. Isa pa, bagama’t obligasyon ng mag-asawa ang magbigay ng suporta sa isa’t isa, hindi ito nangangahulugan o maaaring ipalagay na ang isa sa kanila ay naka-depende sa kanyang asawa upang mabigyan ng suporta dahil lamang sa sila ay kasal na. Kung ang isang miyembro ng SSS ay iniwan ng kanyang legal na asawa hanggang siya ay mamatay, ito ay nangangahulugan na hindi nakadepende sa kanya para sa suporta ang huli. Kung magkaganu’n, hindi kuwalipikado ang umalis na asawa para makatanggap ng benepisyo mula sa SSS sa sandaling mamatay na ang kanyang legal na asawa. Ito ang interpretasyon ng Supreme Court sa katagang “dependent spouse” na napapaloob sa nasabing batas sa kasong SSS vs Gloria delos Santos, G.R. No. 164790 na may petsang Agosto 29, 2008.
Ang iyong binanggit na ipagpapatuloy ng iyong ina ang pension na para sa mga kapatid mo na lagpas na sa edad na 21 ay hindi rin puwede sang-ayon sa batas. Ang nasabing pensyon ay personal sa taong tatanggap at hindi maaaring ipasa sa iba. Kung sumapit na sila sa edad na 21 taon pataas, sila ay hindi na kuwalipikado para makatanggap pa ng pension, maliban na lamang kung sila ay walang kakayanang maghanap-buhay dahil sila ay may kapansanan mula nang sila ay isilang o noong sila ay menor-de-edad pa. (Section 8(e)(2), RA 8282).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta