National Breast Cancer Awareness Month

ALAM BA ninyo na ang breast cancer ay ang pinakamalalang uri ng kanser sa Pilipinas? Pero alam n’yo rin ba na posible ring magkaroon ng breast cancer ang mga kalalakihan? Dahil Breast Cancer Awareness Month ngayon, naisip ko na mas mainam na talakayin natin ang sakit na ito upang mas makadagdag sa kaalaman at impormasyon tungkol sa sakit na ito.

Ang Pilipinas ay nasa sentro ng kampanya laban sa kanser. Ayon sa mga datos, ang Pilipinas ang may pinakamataas ng insidente ng kanser sa buong Asya at kabilang sa top 10 sa mga bansang mayroong kaso ng breast cancer. Ang bansa rin natin ang may pinakamababang survival rate sa labinglimang bansa sa Asya.

Tunay ngang nakababahala, hindi po ba? Katunayan, mismong ang Department of Health at ang Philippine Cancer Society ang nagkukumpirma sa mataas na insidente ng breast cancer sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, beinte otso porsiyento ng kabuuang kaso ng kanser ay sa suso o dibdib. Isa sa apat na nasuri na mayroong breast cancer ay namamatay sa loob lamang ng limang taon at hindi bababa sa kwarenta porsiyento ang namamatay sa loob ng sampung taon.

Ngunit sa lahat ng mga nakaaalarmang datos na ito, ang breast cancer ay maaaring maiwasan at nagagamot pa rin naman. Ang mga eksperto na rin ang nagsasabing unti-unti nang tumataas ang bilang ng mga cancer survivors sa buong mundo dahil na rin sa mas maganda at mas malawak na disease awareness at ang regular na pagpapasuri ay nakatutulong upang madiskubre ang sakit na ito nang mas maaga at mas curable o naagapan pa. Nakatutulong din nang malaki sa maaaring pag-iwas at ng maaari pang magamot ang mga kampanya laban sa breast cancer. Ang pag-iintindi at impormasyon para sa sakit na ito ay makatutulong sa bawat kababaihan na mas maging proactive at agresibo laban sa breast cancer.

Ilan sa tinitingnang panganib sa pagkakaroon ng sakit na ito ay ang pagtanda, family history, mga kababaihang nagkaroon ng regla bago ang edad na dose anyos, mga kababaihang nag-menopause lagpas sa edad 55, obesity, at sobrang pagkonsumo ng alak.

Ano naman ang mga sintomas ng breast cancer?

  • Bagong mga umusbong na bukol sa suso
  • Nipple discharge
  • Nipple pain
  • Pamamaga ng suso o breast swelling

Upang maiwasan at maagapan ang pagkakaroon ng breast cancer, narito ang mga dapat gawin:

  • Magsagawa ng buwanang breast self-examination
  • Magpatingin sa inyong OB-GYNE taun-taon
  • Matyagan at pangalagaan ang mga risk factor

GAYA NG nabanggit ko kanina, maaari ring magkaroon ng breast cancer ang mga kalalakihan dahil sila ay may konting bilang ng breast tissue at ito ang dahilan na maaari rin silang dapuan ng sakit na ito. Karaniwan sa kalalakihang nasa pagitan ng edad 60 hanggang 70 ay prone sa breast cancer.

Ayaw man nating dumating sa pagkakataon na lumalala ang sakit na ito, ang PhilHealth ay tumutugon sa panahon ng pangangailangang medikal. Ang breast cancer ay nakapaloob sa “Z Package” na binabayaran ng PhilHealth sa halagang P100,000.00 sa kabuuang paggamot sa isang taon para sa mga miyembro na nasa unang estado ng sakit na ito . Sa katunayan, ang breast cancer ang pumangalawa sa kabuuang bilang ng Z benefit claims na binayaran ng PhillHealth noong unang semester ng taong kasalukuyan na umabot sa halagang P12,700,000.00. Kumakatawan ito sa 24 porsiyento ng kabuuang bilang ng Z benefit claims paid. Magandang balita ito dahil ang survival rate para sa mga pasyenteng nasa State 0 to 3A ng kanser ay maaaring tumaas ng 93 porsiyento.

Samantala, ang mga may breast cancer na nasa IIIA patungong IIIB pagkatapos ng operasyon na nangangailangan ng radiotherapy ay kasama rin sa Z benefit package na nabanggit.

Kapag hindi nag-qualify ang isang miyembro para sa breast cancer treatment sa ilalim ng Z benefit package, mayroon pa ring ibang benepisyo na maaari niyang makamit sa ilalim ng Case Rates gaya ng mastectomy na binabayaran ng PhilHealth sa halagang P22,000, chemotherapy na binabayaran naman ng P4,000 kada sesyon sa kabuuang proseso sa loob ng isang taon. Kapag ang isang pasyente naman ay nangangailangan ng radiotherapy na gumagamit ng cobalt, P2,000 kada sesyon ang halagang ibinabayad ng PhilHealth samantalang P3,000 naman kung ang radiation treatment ay gagamit ng linear accelerator.

Hindi masaya at magandang realidad, nguni’t gawin natin ang lahat upang mapuksa ang breast cancer.

Para sa karagdagang impormasyon sa breast cancer package ng PhilHealth, tumawag sa aming Corproate Action Center sa numerong 441-7442 o kaya bumisita sa aming official website at mga social media accounts – PhilHealth website: www.philhealth.gov.ph; Facebook: www.facebook.com/PhilHealth; Twitter: www.twitter.com/teamphilhealth; at

e-mail: [email protected]

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleChristmas Party? Paano nga ba makatitipid ng oras at gastos?
Next articleAng Bangsamoro sa Pagitan ng APEC at Eleksyon

No posts to display