AABOT NA sa 5 tao ang nagsampa ng kaso laban sa pagtakbo ni Senator Grace Poe bilang pangulo ng bansa. Ang pinakahuli ay isang former dean ng College of Law ng University of the East (UE).
Ano nga ba ang ikinapuputok ng butsi ng ilan nating mga kababayan sa desisyon ni Sen. Poe na tumakbo bilang presidente ng Pilipinas? Kung ‘yung mga may sira ang ulo at mga taong nagti-trip lang ay hindi pinapansin ng mga abogadong ito sa pagsusumite nila ng Certificate of Candidacy (COC) sa Commission on Election (COMELEC), bakit naman itong si Sen Poe ang pinag-iinitan ng mga abogadong de kampanilya sa ating bansa?
Sabi nga nila ay sa pulitika raw, gaya ng isang punong hitik sa bunga, mas maraming bumabato rito. Hitik nga ba sa bunga si Poe bilang isang presidential bet? Hindi naman natin maitatanggi na halos magmakaawa na yata ang Liberal Party kay Poe noon para pumayag lang ang senadora na tumakbo na bise presidente bilang katambal ni Mar Roxas na isang presidential bet ng gobyerno.
Patunay lang ito na itinuturing na isang malakas na kandidato si Sen. Poe ng admiistrasyong Aquino. At malamang, dahil hindi siya pumayag na makatambal si Roxas ay itinuturing naman siya ngayon na isang malakas na kalaban.
Sa ganitong estado ng pagtakbo ni Sen. Poe bilang pangulo ng bansa, hindi kataka-taka na marami ang gagamit iba’t ibang paraan para pigilin ang kandidatura ng senadora. Unang-una na nga sa taktikang ito ang isyu ng kanyang pagka-Pilipino.
Malaking bagay ang isyung ito pagdating sa legalidad at obhetibong proseso ng pagkandidato sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Ngayon, tila nailagay na ng mga kalaban ng senadora ang kanyang kandidatura sa bingit ng pagkakadiskuwalipika dahil sa isyu ng hindi niya umano pagiging isang “natural born Filipino”. Ano nga ba si Sen. Poe? Isang natural o naturalized Filipino lamang?
KUNG KILALA n’yo pa si Norman Black na isang magaling na import player noong dekada ‘80 ng Philippine Basketball Association (PBA) at ngayon ay mas kilala sa pagiging magaling na coach ng Ateneo Blue Eagle, malamang ay mas mauunawaan n’yo ang pagiging isang naturalized Filipino.
Si Coach Tim Cone na nagbigay ng maraming championship sa Alaska team ng PBA at ang malakas na player din ng PBA na si Asi Taulava ay kapwa naturalized Filipinos. At siyempre, sino ang hindi makakikilala kay Andray Blatche na naging malaking tulong sa Team Gilas Pilipinas para mamayagpag sa buong mundo muli ang isang Philippines basketball team. Ang malahiganteng player na ito ay isa ring naturalized Filipino.
Ang lahat ng mga naturalized Filipino at kilalang tao sa larangan ng basketball sa Pilipinas na binanggit ko, mayroon silang iisang parehong katangian. Ito ay ang dugong dumadaloy sa kanila ay dugong banyaga. Kung hindi sila black American ay isang tipikal na putuing Amerikano na may taas na hindi bababa sa 6 feet ang tangkad.
Makikita sa kanilang itsura ang malayong katangian ng isang natural born Filipino. Sinasabi ng maraming eksperto sa batas na si Grace Poe ay isang naturalized Filipino lamang gaya nina Norman Black, Asi taulava, Tim Cone, at Andray Blatche. Kung ikukumpara ang itsura ni Sen. Poe sa mga taong ito, masasabi kaya nila na hindi naiiba si Sen. Poe? Bulag at mahina lamang ang ulo ng taong magsasabi na hindi naiiba si Sen. Poe sa mga taong ito.
Ang katunayan ay ibang-iba si Sen. Poe sa mga banyagang lahi na aking binanggit. Ang taas , kulay, mga mata, ilong, bibig, pananalita, gawi, at buong pagkatao ni Sen. Grace Poe ay Pilipinong-Pilipino.
Bakit tila pinagpipilitan ng mga eksperto sa batas na hindi siya natural born Filipino at isang naturalized Filipino lamang? Isinasaad kasi sa batas na ang isang taong itinuturing na natural born Filipino sa ilalaim ng ating konstitusyon ay dapat may mga biological parents na natural born Filipinos din.
Sa kaso umano ni Sen. Grace Poe na isang adopted lamang nina Fernando Poe Jr. at Susan Roces, kailangan pa niyang patunayan na ang kanyang mga biological parents ay natural born Filipinos din. Ngunit dahil hindi niya kilala ang kanyang mga biological parents at tila wala namang paraan na para tukuyin ang mga taong ito, itinuturing lamang siyang isang “naturalized Filipino” hanggang hindi pa nakikita at napatutunayan na ang kanyang mga magulang ay kapwa natural born Filipinos din.
SA ISANG salita ay isang artipisyal na teknikalidad lamang ang isyu kay Sen. Grace Poe hinggil sa hindi pagiging natural born Filipino nito, na siya namang isa sa mga kinakailangan at obhetibong katangian ng isang kuwalipikadong kandidato para sa pagka-pangulo ng ating bansa. Simple nga lang kung tutuusin ang isyung ito.
May teknolohiya na tayo na malaman ang genetic origin ng isang tao. Isang DNA test lamang ay madali nang tukuyin kung ang mga biological parents ni Sen. Poe ay natural born Filipinos nga. Kung gayon ay mga doctor na eksperto ang kailangan dito at hindi mga abogago!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo