ANG NATIONAL Bureau of Investigation (NBI) ang isang ahensya ng ating gobyerno na ginagawang takbuhan ng marami sa ating mga mamamayan kapag sila ay may pagdududa sa ating kapulisan at nais nilang makakuha ng patas na imbestigasyon.
Hindi lamang ang ating mga mamamayan ang may ganitong klaseng pananaw kundi maging ang mismong gobyerno natin. Patunay rito ay nang ipag-utos ni Pangulong Noynoy Aquino na alisin sa PNP ang pag-iimbestiga sa Atimonan, Quezon shootout – na kung saan labing tatlong katao ang napatay sa checkpoint kabilang ang isang opisyal ng PNP – at ilipat sa NBI.
Pero tulad ng lahat ng ahensya, hindi perpekto ang NBI at mayroon din sa mga miyembro nito ang tiwali. Ilan din sa kanila ay nagiging mismong utak ng mga sindikato. Ang pinagkaiba nga lang ng mga taga-NBI sa mga taga-PNP ay karamihan sa mga miyembro ng NBI ay abogado kung kaya’t alam nila kung paano lusutan ang kanilang mga ginagawang kalokohan bago pa man magkabukingan. Bukod pa rito, ‘di pinapatulan ng mga tiwaling miyembro ng NBI ang barya-baryang raket kaya ‘di sila basta-basta umiinit. ‘Di tulad sa mga tiwali sa PNP na padalus-dalos na nga, pati ang mga maliliit na mamamayan ay niraraketan.
MAY ILAN-ILAN na ring mga kawani ng NBI ang naireklamo na sa Wanted Sa Radyo sa mga nagdaang panahon. Kamakailan, isang mataas na opisyal ng NBI sa Nueva Vizcaya ang isinumbong sa T3, isang public service program sa TV5 na kinabibilangan ng inyong lingkod at dalawa ko pang kapatid.
Isinumbong sa T3 noong February 2012 ng isang negosyante ang umano’y panggigipit sa kanya ng NBI Nueva Vizcaya. Ayon sa nasabing negosyante, bagama’t may order na sa korte para i-release ang kanyang truck na nahuli ng NBI, ayaw pa rin daw itong pakawalan dahil hinihingan siya umano ng P300,000 bago ito payagang makalabas sa impounding area ng bureau.
Dahil doon, binatikos namin sa T3 ang NBI ng Nueva Vizcaya partikular na ang direktor dito na si Atty. Florencio Canlas. Agad na nagsampa ng demandang libel si Canlas laban sa aming magkakapatid at sa ilang opisyal ng TV5. At nitong January 4, 2013, ibinasura ni Asst. State Prosecutor Antonio A. Arquiza, Jr., Acting Provincial Prosecutor ng Nueva Vizcaya ang kaso.
SI EFREN Gaer, isang security guard ay dumulog sa Wanted Sa Radyo upang isumbong ang hinggil sa subpoena na natanggap niya mula sa NBI. Ayon kay Gaer, siya ay nagsampa ng reklamo sa NLRC laban sa kanyang amo dahil sa illegal dismissal at hindi pagbigay ng kanyang mga 13th month pay.
Makalipas ang ilang araw, ilang mga kalalakihan na nagpakilalang taga-NBI ang nagpunta sa kanyang bahay at nag-abot ng subpoena. Ipinatatawag siya sa NBI para sagutin daw ang reklamo ng kanyang amo.
Nang magpunta si Gaer sa NBI at makausap si Agent Madrino De Jesus – ang agent na may hawak sa kaso – laking gulat niya nang ayaw ipakita ni De Jesus ang formal complaint na isinampa sa kanya ng kanyang amo.
At sa halip, isinulat ni De Jesus ang mga umano’y reklamo laban kay Gaer sa likod ng dala niyang subpoena. Ang mas katawa-tawa pa rito, narereklamo si Gaer sa kasong illegal possession of firearm in relation to Comelec gun ban violation samantalang lumilitaw na last year pa nagsumbong umano sa NBI ang amo ni Gaer at ‘di pa ipinatutupad ang gun ban noon.
Shooting Range
Raffy Tulfo