SA TUWING sasapit ang bakasyon, ito ay tila isang “bittersweet” na pagkakataon. Halu-halo ang mararamdaman mo rito. Maaari kang maging masaya dahil sa wakas makapagpapahinga ka matapos ang isang semester na halos hindi nagpatulog . Masaya rin ito dahil puwedeng-puwede kang magpuyat all night nang walang iisipin na requirement na kailangang ipasa kinabukasan. Makapagpe-Facebook, Twitter, We Chat, Live, Kakao Talk, Skype, Viber, text, chat, telebabad ka all day one to sawa!
Ngunit, hindi lang puro saya ang dulot ng bakasyon. Nakalulungkot din ito lalo na kung wala kang perang naipong panglakwatsa. Mas magiging masaya sana ang bakasyon mo kung hindi ka lang nakapagpapahinga, nakagagala ka pa kasama ang barkada mo. Iyon ang perpektong bakasyon! Ngayon, Oktubre na naman. Ibig sabihin, malapit nang matapos ang semester at sembreak na!! Ang tanong, may naipon ka na ba? Kung wala, aba, habol na! Tara mag-ipon na mahirap yatang ma-NBSB o No Baon Since Bakasyon.
Narito ang mga ilan na effective tips para makapagtabi ka ng pera mula sa allowance na binibigay ng mga magulang mo.
Hangga’t maaari, magbaon din ng pagkain hindi lang pera.
Likas sa ating mga Pinoy ang kain nang kain. Iyong tipong hindi lang tatlong beses sa isang araw kundi doble pa. Kung ganito pala ang sitwasyon at pera lang ang dala mo, mapabibili ka talaga ng pagkain sa labas. Ang laki pa naman ng patong sa mga tindahan. Ang magandang solusyon diyan, magdala ka na lang ng pagkain. Puwede ang biscuits, chips, tinapay. Puwede ring kanin na rin para nakabubusog. Busog ka na nga, makakatipid ka pa.
Kung malapit naman ang eskwelahan mo, maglakad na lang at huwag na mag-tricycle o mag-jeep.
Kung minsan kasi kung sino pa itong malapit sa paaralan, siya pa itong nale-late. Imbes na makatipid sa pamasahe dahil puwedeng lakarin na lang sana, nagagastos pa sa jeep o tricycle. Bilis-bilisan din kasi ang kilos. Sayang din iyong matitipid mong P7.00 sa jeep o P10.00 sa tricycle. Pag naipon, malaki-laki rin iyon.
Magpalit ng bag kada linggo
Nakatutulong ang pagpapalit ng bag sa pag-iipon nang hindi mo napapansin. Dahil kung minsan, nakaliligtaan natin na may mga iniwan pala tayong barya sa mga bulsa-bulsa ng bag. Pagdating ng bakasyon at it’s linis time! Magic! Makikita mo na bawat bag mo, may mga baryang naiwan doon at since palit ka nang palit ng bag, for sure, may mga pera ring nakaipit sa bawat bag na iyon. Kapag naipon, aba. Instant money rin iyon!
Huwag gastusin lahat ang buong allowance, magtira rin.
Bago ka pa pumasok, kunin mo na ang 20% ng baon mo at iwan mo sa bahay n’yo. Maganda kung may alkansya ka para shoot agad ang perang kinaltas mo sa baon mo. Huwag magmintis ng pagkuha ng 20% sa baon mo, araw-arawin mo ‘to.
Hindi basta-basta pinupulot ng mga magulang mo ang perang pinababaon nila sa inyo. Kaya ang best way sa pag-iipon ay iwasang maging magastos. Bawasan ang pagiging bili riyan, bili rito ng mga bagay na puro arte lang naman o kaya dala lang ng peer pressure. Huwa kang magtampo sa mga magulang mo kung hindi ka nila bigyan ng pera sa bakasyon. Baka nakalilimutan mo, isa rin sila sa mga naghihintay ng bakasyon mo dahil sa wakas ligtas din sila pagbibigay ng baon. Kaya mainam diyan, ipon-ipon din ‘pag may time nang ‘di ma-NBSB o No Baon Since Bakasyon.
Para sa inyong mga komento at suhestiyon, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-878-8536.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo