SA DINAMI-DAMI ng pelikula at seryeng inilabas ng Vivamax ngayong taon, masasabi na may mga ‘hit’ at meron din ‘miss’. Maaaring napag-usapan ang ilan sa mga proyektong ito dahil sa mga promotional tactics, pero aminin natin – bilang na bilang ang mga worth it na panoorin muli at irekomenda sa mga tao.
Walang unnecessary ‘promotional gimmick’ ang bagong erotic-drama ng Vivamax na ‘Nerisa‘ (hindi counted ang ganap sa personal life ng leading man, ha), pero para sa amin, ito ang pinaka-standout na pelikula sa mga inilabas ng leading Pinoy streaming platform.
Ang ‘Nerisa’ ay mula sa direksyon ng award-winning director na si Lawrence Fajardo, na mas nakilala sa kanyang indie films. Kung hindi kami nagkakamali, ten years ago ay gumawa na rin ito ng sexy film sa Viva. Mabuti na lang at siya ang naatasan na magbigay-buhay sa obra ni Sir Ricky Lee dahil napakaganda ng pagkakagawa ng pelikula.
Kung ang ilang sexy films na napapanood natin ngayong pandemya at hubad na lang ng hubad ang mga tao at todo ang pagmumura, dito ay justified ang bawat eksena. Napakaganda ni Cindy Miranda na talagang pinersonal ang pagganap bilang ang misteryosang si Nerisa. Naalala tuloy namin ang pagpaseksi noon ni Assunta de Rossi, na naging daan ang pagtanggap ng sexy roles para seryosohin siya bilang isang aktres. Sa tingin namin ay ‘yun din ang magiging career path ni Cindy kung magiging mapili ito sa kanyang mga proyekto.
Whether you like him or not, effective si Aljur Abrenica bilang Obet. Bagay na bagay ang kanyang kakisigan sa isla at very convincing ito sa kanyang mga eksena. Sa mga nagpapantasya kay Aljur, mabubusog kayo sa lovemaking nila ni Cindy. Satisfying din ang kinahinatnan ng kanyang karakter.
Kung kailan nagka-edad ay saka naman naging all-out sa paghuhubad ang Viva Hot Babe na si Sheree. Kung hindi kami nagkakamali, ang kanyang harutan with the coastguard ‘ata ang pinaka-daring scene na ginawa niya. Mas hinigitan pa niya ang pinaggagagawa niya nang aktibo pa ang Viva Hot Babes.
Fresh na fresh din ang dating ni AJ Raval, na siyang pinaka-inosente sa mga babae sa isla. Nagawan ng paraan na matakpan ang kanyang tattoos. Kahit na hindi siya ang bida ay may lampungan din sila ni Sean de Guzman sa dalampasigan. Siya ang nagsilbing narrator, pero para sa amin, mas mainam ‘ata kung ang karakter ni Sheree ang nagkukuwento dahil siya naman ang bessie ni Nerisa.
Equally convincing din sina Bembol Roco, Elizabeth Oropesa, Gwen Garci, Guji Lorenzana, Sean de Guzman, at iba pang character actors ng pelikula. Swak na swak ang casting at visually appealing din ang mga kuha.
Sana ay mas marami pa ang manood ng Nerisa dahil napakaganda ng pagkagawa nito. Habang naghihintay pa tayo ng magiging next projects ng cast members ng pelikula, inaabangan na rin namin kung bongga rin ang pagkadirek ni Lawrence Fajardo sa ‘A Hard Day’ ni Dingdong Dantes.