WALA KA bang ka-date ngayong Valentine’s Day o tinatamad ka bang makipagsiksikan sa iba’t ibang restaurant, coffee shop o sinehan? No problem dahil sa panahon ngayon na nakakairita ang traffic sa Maynila ay mas mabuti pa na pumirmi na lang sa bahay at manood ng pelikula sa suking online video streaming sites tulad ng Netflix.
Kung trip mo manood ng Filipino/Tagalog films dahil natapos mon a lahat ng romance-comedies o natapos mo na lahat ng KDrama, no need to fret dahil ipapalabas na sa Netflix simula bukas, February 14 ang dalawa sa epic movies ng 2019.
Ang ‘Cuddle Weather’ ay pinagbibidahan nina Sue Ramirez at RK Bagatsing mula sa Regal Entertainment. Kuwento ito ng dalawang sex workers na nakahanap ng kalinga at kalauna’y pag-ibig sa piling ng isa’t isa. Naging kalahok sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino ang ‘Cuddle Weather’ na mula sa panulat at direksyon ni Rod Marmol at co-produced nina Antoinette Jadaone at Dan Villegas ng Project8. Marami ang naaliw sa promotional videos ni Sue bilang ‘Adela Johnson’ sa internet na talagang kinarir ang pagiging pokpok. Bumenta rin ang pagiging innocent promdi ni RK bilang Ram na talagang devoted sa kanyang ‘senpai’.
Isa rin sa mapapanood natin simula bukas ay ang ‘Jowable’ na isa sa surprise hits of 2019. Bida rito ang talented actress/singer na si Kim Molina in her first starring role in a mainstream movie. Hango ito sa viral videos ng VinCentiments ni Daryll Yap at ito rin ang kanyang debut mainstream film. Dahil may sariling fanbase ang VinCentiments series online at tunay na lovable at jowable si Kim Molina ay tumagal ito ng mahigit isang buwan sa mga sinehan. Balita namin ay may follow-up project na sina Direk Daryll at Kim via ‘Ang Babaeng Walang Pakiramdam’.
Parehong hindi namin napanood sa sinehan ang ‘Cuddle Weather’ at ‘Jowable’ kaya saktong-sakto na ang dalawang riot Pinoy films na ito ang napili ng Netflix na ilabas sa araw ng mga puso.