HINDI MAN maituturing na ‘box-office star’ o ‘traditional leading man’ ang Kapuso actor na si Paolo Contis, marami pa rin ang maiinggit na artista rito. Bakit? Kasi dalawa lang naman sa mga pelikulang nagawa niya ang mapapanood na natin sa Neflix ngayong buwan ng Hulyo.
Yes, not one but two films!
Unang ipinalabas ang dark comedy heist film na ‘Ang Pangarap Kong Holdap’ na pinagbidahan ni Paolo kasama ang mga komedyanteng sina Jerald Napoles, Pepe Herrera at Jelston Ray. Kuwento ito ng isang grupo ng holdaper na nangangarap na maging pinakamagaling na holdaper sa kanilang lugar. Ang isa kasi sa kanila ang ‘tagapagmana’ ng trono (Pen Medina) bilang pinakamalupit na holdaper sa kanilang barangay. Misteryoso ang karakter ni Paolo rito at kuwela ang kombinasyon nilang apat.
Naalala namin na sinubukan namin na mapanood ito sa sinehan noong theatrical release nito, ngunit na-pull out agad sa pinaka-accessible na movie house. Trending at pinagusapan sa Twitter at social media ang pelikula at nanguna pa nga sa Netflix Philippines nang ilang araw! ‘Naholdap’ man at nanakawan ng sinehan, bawing-bawi naman ang mga tao sa likod ng pelikula sa dami ng hits and appreciation mula sa mga masuwerteng nakakapanood na sa kani-kanilang bahay.
Also last July 9 ay ipinalabas na rin ang Paolo Contis-Alesandra de Rossi movie na ‘Through Night and Day’. This bittersweet romance / comedy / drama is the brainchild of Alessandra de Rossi, na nainspire nang makapagbakasyon sa Iceland noong early 2018. Binuo niya ang kuwento at nagpatulong ito sa writer/mentor niya na si Noreen Capili. Si Alex dapat mismo ang magdidirek ngunit napressure siya nang mabasa ang final script na sinulat ng kaibigan. Ang ending ay si Veronica Velasco (Nuuk) ang nagdirek ng ngayo’y #1 movie at ilang araw nang consistent na trending movie sa Twitter.
Sa mga hindi nakakaalam, bagets pa lang sina Paolo at Alessandra ay magkaibigan na sila. Hindi si Paolo ang original choice sa role, ngunit ngayon ay muling naaappreciate ng mga nakapanood ang acting prowess nito. Yes, kaya makipagsabayan sa iyakan ni Paolo kahit pa mas kilala ito bilang komedyante.
Sure kami na super happy sina Paolo at ang mga kasamahan niya sa ‘Ang Pangarap Kong Holdap’ at ‘Through Night and Day’. Sa ngayon ay busy si Paolo sa kanyang ‘work from home’ shoots for GMA-7 (All Out Sunday) at active na rin sila ng partner na si LJ Reyes sa pagvo-vlog.
Congratulations sa iyo, Paolo! Nawa’y dumami pa ang pelikula mo!