SA PAGSALUBONG natin sa 2012, narito ang ilang bagay na nais nating hilingin at ipanalangin para sa mga OFW:
1. Maagap na pagsaklolo sa mga OFW na dumaranas ng pang-aabuso, pagkabilanggo, karamdaman, at iba pang problemang dinaranas ng mga Pinoy na “in distress” sa ibang bansa. Sana ay huwag na nating hintayin ang pagsulpot ng problema kundi unahan na natin ito para hindi maatraso ang ating mga solusyon. Maging “pro-active” tayo sa halip na nagre-react lang sa mga problema.
2. Mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng DFA, POEA, OWWA at iba pang mga ahensya na may kinalaman sa mga OFW. Kailangang matigil na ang nakakahilo at nakakapagod na pagpapabalik-balik ng mga OFW sa mga ahensya ng gobyerno kapag sila ay may nilalakad. Panahon na marahil na maitayo ang “one-stop shop” para sa mga OFW na kung saan sa iisang lugar ay nandoon lahat ang mga ahensyang tumututok sa kapakanan ng mga OFW.
3. Pagpapa-simple sa mga proseso at pag-aapruba ng mga papeles na pinapadaan ng mga OFW sa mga ahensya ng pamahalaan. Nagrereklamo ang mga OFW tungkol sa diumano’y matagal at kumplikadong pagproseso ng mga papeles nila. Isang halimbawa na rito ang mahirap na approval ng kanilang application para sa OWWA Reintegration Program o livelihood loan para sa mga OFW. Minsan daw ay huli na ang lahat bago ma-release ang assistance na hinihingi nila. Dapat siguro ay bawas-bawasan ang mga requirement na hinihiling sa mga OFW.
4. Pagsugpo sa corruption at pagpapaunlad sa ekonomiya ng Pilipinas. Sa nakaraan, maraming resources ang naaaksaya sa mga katiwalian at maling patakaran. Mahalagang maayos na magugol ang pondo ng gobyerno para sa pagpapaunlad ng ekonomiya. Kapag umunlad ang ating ekonomiya ay maraming malilikhang hanapbuhay. Mawawalan na ng dahilan ang ating mga kababayan para mangibang-bansa.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo