Newborn Screening Para sa mga Bagong Silang na Sanggol: Sagot ng PhilHealth

ATING GINUGUNITA ang National Newborn Screening Awareness Week tuwing unang linggo ng Oktubre upang bigyang pansin ang kahalagahan ng Newborn Screening para sa bagong silang na sanggol. Mahalagang maragdagan ang kaalaman ng bawat isa tungkol sa mga karamdamang maaari nilang makuha pagkapanganak pa lamang at nang malapatan na agad ito ng lunas bago pa humantong sa nakababahalang kundisyon.

Napakasarap ng pakiramdam na magkaroon ng sanggol sa isang tahanan. Nakapapawi ito ng pagod kung kaya’t lahat ng paraan upang maprotektahan sila ay ating gagawin masiguro lamang ang kanilang kaligtasan at kalusugan. Sa usaping ito, napakalaking misyon ng gobyerno ang tiyaking bawat maisisilang na sanggol sa ating bansa ay makaiiwas sa pagkakaroon ng karamdaman na maaaring magdulot ng kanilang kasawian.

Sa kagustuhan ng pamahalan na mapanatiling ligtas ang mga bagong silang na sanggol, naitakda ang Republic Act 9288 o ang Newborn Screening Act of 2004 na naglalayong magkaroon ng early detection sa mga sanggol na apektado ng genetic/metabolic/infectious diseases. Ang maagang pagsusuri at pagbibigay ng karampatang lunas ay maaaring magresulta sa mas mababang morbidity or mortality rate sa mga apektadong bata. Hunyo 1996 nang simulang ipatupad sa lahat ng Public Health Delivery Systems sa bansa ang nasabing batas.

Ano nga ba ang newborn screening at ano ang kahalagahan nito? Ang newborn screening (NBS) ay isang simpleng pagsusuri kung saan maaari nitong matukoy kung ang inyong sanggol ay may congenital metabolic disorder na maaaring humantong sa mental retardation o pagkasawi kung hindi maagapan. Bagamat maraming sanggol ang karaniwang mukhang malusog sa araw ng kanilang pagkasilang, mahalaga na sila ay sumailalim sa NBS upang matukoy kung mayroon silang metabolic disorder bago pa lumabas ang mga sintomas. Sa ganitong pamamaraan, malalapatan na agad ito ng lunas bago humantong sa kamatayan.

Ang newborn screening ay isinasagawa pagkalipas ng 24 oras matapos maipanganak ang sanggol. Kailangan lamang ng patak ng dugo ng sanggol galing sa sakong ng kanyang paa at ipapatak ito sa special absorbent filter card. Patutuyuin ito at ipadadala sa Newborn Screening Center (NSC), kung saan babasahin ang resulta ng test. Ang blood sample ay maaaring kolektahin ng alinman sa mga sumusunod: doktor, nars, trained midwife, o medical technologist.

Pagkalipas ng 7 hanggang 14 na working days, maaari nang makuha ang resulta mula sa pasilidad kung saan ginawa ang newborn screening. Ang newborn screening ay available sa ospital, lying-in, rural health units, health centers, at sa mga private clinic. Kung ang sanggol naman ay ipinanganak sa bahay, maaaring dalhin sa alinmang pinakamalapit na pasilidad na nagbibigay ng newborn screening test.

Kung ang nakuhang resulta ay negatibo, ibig sabihin nito ay normal ang sanggol. Kung ito naman ay nagpositibo, kailangang ipaalam agad ng mga magulang ng sanggol sa pasilidad kung saan ginawa ang NBS upang maisagawa ang iba pang kaukulang laboratory test at masuri agad ito ng specialist.

Ang mga karamdamang maaaring makita sa pamamagitan ng newborn screening ay ang sumusunod:

(1) Congenital Hypothyroidism (CH) – mababang lebel ng thyroid hormone na kinakailangan sa physical at mental development; (2) Congenital Adrenal Hyperplasia (CAH) – endocrine disorder na maaaring magresulta sa pagbaba ng salt level sa katawan at kapag hindi naagapan ay maaaring magdulot ng pagkasawi sa mga batang edad 7 hanggang 14 anyos; (3) Galactosemia (GAL) – isang karamdaman kung saan walang kakayahan ang batang magproseso ng galactose na isang uri ng asukal na matatagpuan sa gatas. Kapag nasobrahan ang galactose sa katawan ng isang sanggol, maaari itong mauwi sa liver damage, brain damage o cataract; (4) Phenylketonuria (PKU) – ito ay pambihirang kondisyon kung saan hindi magamit ang building blocks protein na tinatawag na phenylalanine kung kaya’t maaaring magkaroon ng brain damage or severe mental retardation ang batang magkakaroon nito; (5) Glucose6-Phosphate-Dehydrogenase Deficiency (G6PD Deficiency)- ay isang kondisyon kung saan ang katawan ay kulang sa enzyme na G6PD. Ang mga sanggol na kulang sa G6PD ay maaring magkaroon ng Hemolytic Anemia na nakukuha sa pagkalantad sa oxidative substances na matatagpuan sa mga gamot, kemikal, at pagkain. Ang G6PD Deficiency ay ang pinakakaraniwang uri ng kondisyon na kasama sa newborn screening (NBS). Ang naptalina o mothball, ilang gamot kabilang ang halamang gamot ay bawal sa mga taong may G6PD Deficiency; (6) Maple Syrup Urine Disease (MSUD) – ito ay isang genetic o namamanang metabolic disorder kung saan hindi gumagana ang branched chain enzyme alpha-keto-acid dehydrogenase complex ng katawan at maaaring magresulta sa brain toxicity.

Ang PhilHealth ay nakikiisa sa magandang adhikaing ito ng pamahalaan. Sa katunayan, ang Newborn Care Package ay isa sa mga benepisyong ipinagkakaloob nito alinsunod sa Circular 34, s.2006. Sa ngayon, nagkakahalaga ito ng P1,750.00, at kalakip rito ang newborn screening na may halagang P550 at awtomatikong isasagawa sa mga pasilidad na may kakayahang gawin ang nasabing procedure.

Sa taong 2014, 490,120 na sanggol ang naka-avail ng Newborn Care Package ng PhilHealth na nagkakahalaga ng P777, 391,520.00 sa buong taon, samantalang 329,629 na sanggol naman ang naka-avail nito sa unang siyam na buwan ng taong 2015 na nagkakahalaga ng P529,795,650.00 na naibayad sa mga healthcare facilities na nagbibigay ng ganitong uri ng serbisyo.

Ayon sa Department of Health, ang programang newborn screening ay nakatulong upang mailigtas ang buhay ng 45,283 na mga sanggol na may metabolic disorder noong 2010.

Lagi lamang nating tatandaan na tamang kaalaman ang solusyon upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kabataan. Mahalagang sila ay pangalagaan dahil sila ang susi ng yaman ng ating bayan.

Kung kaya’t kami po ay nananawagan sa lahat ng ina at magiging ina na ipa-newborn screening po ang ating mga sanggol upang masiguro ang kanilang kalusugan at kaligtasan. Kung ang serbisyo ay hindi ipinagkaloob nang buo o ang patient-member ay pinapunta sa ibang pasilidad upang isagawa ang ibang serbisyo, maaari pa rin itong ma-reimburse sa PhilHealth. Siguruhing ligtas ang inyong mga anak sa mga karamdamang maaari namang maiwasan. Ipa-NBS na si baby!

Hinihikayat namin ang aming mga partners na mga health care facilities na na isagawa po natin ang newborn screening package sa ating mga sanggol upang makatulong tayo sa pagpapalaganap ng ligtas na kinabukasan para sa bagong pag-asa ng bayan.

Para sa karagdagang katanungan tungkol sa paksa na ito, tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes hanggang Biyernes mula 8-5 pm), mag-email sa [email protected]. o kaya ay mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth at sa aming Twitter account na @teamphilhealth

Sources: Nnewbornscreening.ph; primer-on-newborn-screening-act; www.doh.gov.ph; www.philhealth.gov.ph; 2015 CorPlan/Task Force Informatics

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleKabi-kabilaang Sale, Kabi-kabilaang Krimen
Next articlePaglisan

No posts to display