SA PRESSCON ng kanyang bagong serye, agad naming kinumusta si Carmina Villaroel kung ano ba ang pakiramdam bilang isang Mrs. Carmina Villaroel Legaspi. Masayang nagkuwento sa amin ang TV host/actress na mas naging masaya at maayos ang relasyon nila ngayon ng asawa kung saan mas lumalim ang tiwala at respeto nila sa isa’t isa, mas humigit ang pagmamahal nila sa isa’t isa na ‘di niya akalain na mas lalalim pa at ngayon ay mas ingat siya sa mga desisyong ginagawa.
Naninibago lang daw siya sa mga legal na dokumento na pinipirmahan, kung saan Mrs. Carmina Villaroel Legaspi na ang kanyang ipinipirma sa ngayon. Wala namang problema sa mga anak nilang sila Mavy at Cassy, dahil dati pa ay Legaspi na ang ginagamit ng mga ito.
Hiningan din namin ng reaksyon sa balitang pagpapa-sex change ng dating asawang si Rustom aka BB Gandanghari, para kay Carmina ang hiling lang niya ay maging masaya sa buhay si BB dahil masayang-masaya na siya sa buhay niya sa ngayon. Nandu’n din ang hiling ni Carmina na sana maayos at matapos na ang gulo sa pagitan nina BB at ng kapatid nitong si Robin padilla. Ayon sa aktres, masaya nga naman sa isang malaking pamilya ang magkasundo at walang away sa bawat miyembro ng pamilya.
Malapit kay Carmina ang role bilang isang nanay sa bago niyang serye. Masaya siyang maging parte na naman ng isang pambatang serye katulad ng huli niyang soap na nagawa, ang Lorenzo’s Time.
SA TRADE launch ng bagong shows na sisimulan ng TV5, nakausap namin si Ms. Nora Aunor kung saan agad naming kinumusta sa kanya ang pelikulang balitang dapat ay pagsasamahan nila nila Gov. Vilma Santos at Coco Martin, pero sa ‘di klarong dahilan ay mukhang ‘di matutuloy.
Nagbigay-pahayag sa amin ang Superstar na walang problema sa parte niya, pero mas maganda kung ang tanungin na lang ay ang direktor nila tungkol dito. Ayon sa aktres, bukas siyang makatrabaho ang Star For All Seasons, pero excited siyang makasama sa isang proyekto si Coco dahil iniidolo niya ito. Aminadong napapanood niya ang ilan sa mga serye ng aktor at nagagalingan siya rito. Pero ang higit na nakapagpalapit sa puso ni Superstar kay Coco ay ang magkahawig nilang pinagmulan kung saan nagsimula sila pareho sa hirap at pareho silang tumutulong sa pamilya.
Nagbukas din ng saloobin niya sa pagkaka-pull-out ng Thy Womb sa mga sinehan sa first day pa lang daw nitong napapanood, ipinaliwanag sa amin ni Nora na ang alam niya ay ini-lilipat sa ibang sinehan ang isang pelikula ‘pag na-pull-out ‘pag ganitong MMFF season dahil nag-produce din siya noon. Dagdag na paliwanag din sa amin ng Superstar na nakabawi na rin sila sa puhunan na ginamit dito dahil wala pang 3 milyon ang nagamit dito at malamang ay tubo na rin ang producer nito.
Tinanong din namin kung may katotohanan na balak niyang sumali sa 2014 MMFF bilang producer at ire-remake daw niya ang pelikulang Super Gee. Inamin naman sa amin ng aktres na may balak siyang buhayin muli ang dating produksyon, ang NV Productions.
Isa sa pinag-usapan sa nakaraang MMFF Awards Night ay ang pagyayakap nilang dalawa ng dating Pangulo Joseph Estrada nang tawagin siya bilang Best Actress para sa pelikulang Thy Womb. Masayang nagkuwento si Ate Guy na ito ang paraan niya ng paghingi ng tawad kung nasaktan o may nagawa man siyang masama sa dating pangulo.
Sa tanong namin kung willing ba siyang ikampanya ang dating pangulo kung ito ang hilingin nito sa kanya, para sa aktres ay walang magiging problema sa kanya, malaki nga lang ang posibilidad na wala siya sa bansa ng Mayo dahil nasa Amerika siya para i-renew ang kanyang green card.
Kasama sa seryeng Never Say Goodbye, kung saan makakatrabaho ang mga baguhang sila Vin Abrenica at Sophie Albert, panay papuri ang binitawan ng Superstar para sa dalawa kung saan bukod sa mababait ay nagagalingan siya sa mga ito. Siniguro na kakaiba ito sa mga seryeng nagawa, kilala naman si Ate Guy na laging mahusay na nagagampanan ang bawat role na ipinagkakatiwala sa kanya.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA