NASORPRESA KAMAKAILAN ANG ating kapulisan at mga sundalong nakatalaga sa Surigao del Norte. Dahil sa biglaan, hindi inaasahan at todo-lakas na pagsalakay ng mga rebeldeng New People’s Army, kung saan ilang minahan sa nasabing lugar ang kinastigo.
BIGLAAN – Kasi masyadong pakaang-kaang ang kapulisan at mga sundalo sa nasabing lugar at maging ang kanilang mga pinuno. Na hinayaan ang kanilang kakarampot na puwersa na siyang mag-mantine sa nasabing bayan samantalang ang karamihan sa kanilang puwersa ay nagpapalaki lang pala ng yagbols sa loob ng kampo militar o police headquarters!
HINDI INAASAHAN – Kasi napaka-bopols ng kanilang inteli-drinks! Este, intelligence operators.
‘Wag nilang sabihin na bigla na lang… mula sa kalawakan ay ibinuhos ng “UFO” ang nasabing puwersa ng mga rebelde?
Biruin mo, parekoy, nag-ipun-ipon na pala ang mahigit 400 armadong NPA para isagawa ang pagsalakay, ni hindi man lang namanmanan ng intel branch ng pulis at AFP? Tangna! Saan nila ginagastos ang intelligence fund nila?
TODO-LAKAS – Kasi sobra ang yabang ng ilang gagong opisyal ng AFP at PNP. Paulit-ulit na ipinanga-ngalandakan na napulbos na nila ang NPA! Na kesyo ilang elemento na lamang sa nasabing mga rebelde ang natitira! Na kesyo napakahina na ng puwersang NPA.
Pero nang rumagasa ang super-lakas na puwersang rebelled… ay parang mga dagang walang masulingan ang nasorpresang mga alagad ng batas. Mistulang hilong-talilong na nasukluban ng “thy kingdom come!” Hak, hak, hak!
Sa susunod kasi, hindi dapat pakaang-kaang dahil ang kalaban ay nasa kapaligiran lang at nagmamatiyag. Gastusin ng tama ang intelligence fund para ma-detect ang kilos ng kalaban, at… huwag magyabang na pulbos na ang kalaban gayong hindi pa naman pala! Huh!
HINDI MALAMAN NG mga taga-Pasay kung saan sila susuling sa darating na 2013 elections. Ngayon pa lang, parekoy, naghahangad na sila ng pagbabago.
Kahit saang parte kasi ngayon ng Pasay ay may iligal. Kung hindi droga, putahan, sugalan, ghost employees at napakarami pang iba!
‘Ika nga… you name it and they have it! Ang lahat ng ‘yan, parekoy, handog ng pamunuan ni Mayor Antonio Calixto! Salamat, mayor! Pwe!
Ang siste, parekoy, ngayon pa lang ay umugong na ang balita na sa darating na halalan ay may matinding makakalaban si Calixto. At ‘yan ay walang iba kundi ang negosyanteng si Jeorge del Rosario. Ang dating gumastos ng daang milyon para manalo lang si Calixto noong 2010 elections.
Na noong umupo na si Calixto ay gusto umano ni Del Rosario na rekopuhin ang lahat ng hanapbuhay sa city hall. Na inalmahan naman ni Calixto…. And the rest is history!
Kaya naman, parekoy, kung sina Calixto nga at Del Rosario ang magkakalaban sa Pasay sa pagka- alkalde sa 2013, tatlo lamang ang pamimilian ng mga botante.
Sa iligal o sa anomalya? O, kaya, all of the above!
Meaning, isa lang ang pipiliin pero ‘andu’n na lahat! Hak, hak, hak!
Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303