KAPAG MAY nagsasabing nagmana siya ng kakuwelahan sa daddy niyang si Jose Manalo, hindi kumukontra si Nicco Manalo. Isa sa na-inherit raw nga niya ay ang topak nito.
“May topak po talaga ang daddy ko,” birong bungad ng aktor. “Pare-pareho po kaming may topak, pati ‘yong kapatid ko na nag-aartista na rin ngayon. ‘Yong nasa On The Wings Of Love po, si Benj Manalo.
“Siya po ‘yong Axel, ‘yong mahaba ang buhok na medyo malaki ang katawan at matangkad. Siya ‘yong kapintero ni James (Reid), ‘yong may tattoo.”
Kuntento raw si Nicco sa takbo ng career niya ngayon. Nalilinya siya sa indie films at hindi siya nawawalan ng gagawin.
Kasali nga siya sa cast ng Mga Rebeldeng May Topak na idinirehe ni Raymond Red, at Baka Siguro ‘Yan ni Joel Ferrer, dalawa sa siyam na nakapasok sa final line up ng Cinema One Originals 2015 na magsisimula na sa November 9 hanggang 17. Mauulit kaya ang muling pananalo niya ng award? Una siyang nakakuha ng best supporting actor trophy sa mahusay niyang performance sa The Janitor.
“Naku, hindi ko po alam,” nangiti na lang na sagot ni Nicco. ‘Yong role ko sa Mga Rebeldeng May Topak, medyo parang drama naman siya. Pero marami kasing mga nakakatawang situations. And siguro ‘yong character ko, isa ‘yon sa mga mas nakakatawang tingnan kumbaga pagdating do’n sa mga gano’ng sitwasyon. ‘Yong character ko kasi meyo malalim naman siyang mag-isip, pero medyo comic kasi ‘yong character na malikot. Maihahalintulad ko siya sa parang mga… kung paano ‘yong mga role nina Herbert Bautista noong 80’s. Parang gano’n po.”
Wala pa siyang nagagawang major role sa mainstream movie. Puro cameo pa lang daw.
“Lumabas ako sa 10,00 Hours, sa Kimidora… mga gano’n. E, ako naman kasi, nai-enjoy ko naman na gumawa ng indie films. Kasi… ewan ko. Do’n ako galing, e. Parang… coming from theater to independent films. Do’n ‘yong roots ko so parang babalik at babalik ako do’n. Ngayon po siguro, naghihintay ako kung… kagaya nga ng nasabi ko dati, hinahanap ko pa ‘yong place ko sa mainstream industry. Kung saan nila ako gustong ilagay or kung saan nila ako gustong makita.”
Sa ngayon, kasama rin sa cast si Nicco sa bagong teleserye ng ABS-CBN na Walang Iwanan, kung saan bida si John Estrada at ang ilang Kapamilya child stars.
“Kaka-air lang po namin. Ang role ko po ang pangalan… Sarge, siya ‘yong sidekick ni Kuya John na parang yaya ng mga bata. Parati kong kasama ang mga bata sa mga eksena. Ang tataas ng energy nila. May play rin po akong ginagawa under Red Turnip Theater. Sa Ace Space po ‘yong venue.”
Kumusta ngayon ang mom at dad (Jose Manalo and ex-wife Annalyn) niya?
“Sila pong dalawa siyempre may inaayos pa rin po sila sa court. Hindi naman po talaga ako ‘yong tipong nakikialam kumbaga. Meron lang silang mga questions. And hindi ko po talaga alam in depth kung ano ‘yong issues nila na inaayos sa court o kung ano talaga ‘yong pinaglalabanan pa nila.”
Hindi ba niya sinasabihan ang mga ito na itigil na lang ang legal battle dahil ang mga abogado lang ng mga ito ang yumayaman at mas mabuting ilaan na lang para sa kanila na mga anak ang ginagastos ng mga ito sa kaso?
“Nasabi ko na rin po ‘yan. Parang ganyan ang sinabi ko sa kanila. Kasi kagaya po ng sa akin, ang mas pina-prioritize ko talaga… mga kapatid ko, e. Kaya hindi po ako masyadong nakikialam kung anuman ‘yong inaayos nila sa korte kumbaga.
“Kasi that’s their fight, kumbaga. That’s their ano… sa kanilang dalawa lang. Ako, gusto ko lang anuhin ‘yong mga kapatid ko.”
Tanggap niya na malabo o imposible na ba ang reconciliation sa mga magulang niya?
“Right now parang kagaya nga po ng sinabi ko parang may ginagawa namang sarili ang mommy ko at daddy ko. Pero dahil may inaayos po sila sa court, hindi ko na po naiisip ‘yong tungkol sa pagbabalikan or whatever na puwedeng mangyari sa relationship nila. Kasi, ayon nga, e… that’s their thing. Wala po ako ro’n.”
What if isang araw, bigla na lang may ipakikilala sa kanilang magkakapatid si Jose na bago nitong partner sa buhay? May tsismis nga na meron na nga raw?
“Meron na ba? Hindi ko po alam, e.” Sabay tawang reaksiyon ni Nicco.
Pero okey lang ba sa kanya if ever ngang meron?
“Kumbaga sa nangyayari po sa amin ngayon, ayoko talagang mag-side kahit kanino. I respect both their decisions. If ever na may lumabas na gano’n, sa kanila na po ‘yon. Matatanda na sila, so… kung anuman ang maging desisyon nila.”
Hindi niya masabi kung sino sa mga ito ang may mali?
“I guess I will understand kung anuman ‘yong… kung may naging problema nga. Pero hindi ko po talaga masabi kung sino ang mali.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan