KASAMA SA PELIKULANG In My Life ng Star Cinema ang actress na si Nikki Valdez. Asawa ni Nikki si Rafael Rosell sa pelikula at sila ang tumutulong sa character ni Vilma Santos. Tuwang-tuwa si Nikki at napasama siya sa napakagandang pelikulang ito at nagkaroon pa siya ng chance na makapag-shoot sa New York.
Masaya si Nikki dahil napagbigyan siya ng kanyang asawa na makapagtrabaho muli dito sa Pilipinas. “Nakaka-bore kasi doon (sa Canada) kaya okay na rin na magtrabaho muna ako rito,” pahayag ni Nikki. Kasama din pala ni Nikki ang kanyang anak ngayon sa Pilipinas pero hindi makasusunod sa bansa ang kanyang asawa na si Chris Lina para sa premiere night ng nasabing movie. Umaasa si Nikki na mabibigyan siya ng projects habang andito siya sa ‘Pinas gaya ng mga teleserye.
Pero dahil canned ang mga shows na pinapalabas ngayon, wala pang teleserye project na puwedeng masalihan si Nikki. Pinabulaanan niya ang walang basehang tsismis na hiwalay na sila ng kanyang asawang si Chris Lina dahil sa pagbabalik-bansa niya. Talagang trabaho lang ang nagtulak sa kanya na bumalik dito para hindi siya ma-bore sa Canada. Nagkaroon din pala siya ng ilang proyekto roon sa Canada. “Ako ‘yung nag-host ng isang private function doon noong bumisita si Ma’m Charo (Santos-Concio, president ng ABSCBN) kasama ang mga TFC subscribers natin doon. ‘Yun, ‘yung mga ganoon lang. Akala nga nila makapupunta ako du’n para sa international screening ng In My Life sa Canada, e, kaso lang andito ako,” pahayag ni Nikki.
Sa Biyernes, magkakaroon ng isang bonggang mall show ang movie ni Vilma sa SM Mall Of Asia 5 p.m. kasama ang buong cast ng pelikula. Tiyak na susugod doon ang die-hard Vilmanians, kaya kung ako sa inyo, e, go na rin kayo roon nang maaga para makakuha pa kayo ng mga upuan. May advance ticket selling na rin ang Star Cinema para doon sa mga ayaw nang pumili pa sa showdate mismo ng pelikula.
Balita pa namin, roadshow raw ang mangyayaring premiere night. Tatlong beses magkakaroon ng premiere night ang pelikulang ito. Sept 14, sa Lipa Batangas, ang hometown ni Ate Vi, at sa Sept 15 naman, Martes, sa dalawang malaking mall magaganap ang premiere night. May nakausap kami na isang alas-tres ng hapon at isang alas-syete ng gabi ang premiere night na ito. Hindi pa confirmed kung saang mga sinehang ito, pero dahil sa pagkakaayos ng SM at Star Cinema, malamang balik-SM Megamall na naman sila. Wait natin!